Sunday, May 29, 2011

RH Bill: Food Supplement para sa Sakit ni Juan


Ang RH Bill: The Grand Debate ay ilan la-
mang sa mga debate tungkol sa RH Bill
Nananatiling isang napakainit nausapin ang RH Bill. Patuloy pa rin ang mga debate tungkol sa isyung ito tulad na lamang ng RH Bill: The Grand Debate na ipinalabas ng GMA News TV at ng debate sa kamara kung saan nagtatalo pa rin ang mga mambabatas kung nararapat nga bang ipasa ang batas na ito. Hindi rin matapos tapos ang mga sagutan, patutsadahan at parinigan ng mga Pro at Anti RH Bill. Napabalita pa nga na gagawing excommunicado ang mga nagsusulong nito at handa raw ang Simbahang Katoliko na magpatawag ng civil disobedience kung sakaling maipasa ang RH Bill (http://www.batangastoday.com/catholic-church-may-call-for-%E2%80%98civil disobedience%E2%80% 99-to-rh-bill-supporters/3849/). Samantala sumagot naman ang pamahalaan at nagsabing may kakaharapin na kaso ang sinomang magsasagawa ng civil disobedience.

Isa ako sa mga naniniwala na napapanahon nang maipasa ang isang batas tulad ng RH Bill na naglalayong makontrol ang populasyon ng ating bansa.

Mahirap buhayin ang malaking pamilya
Hindi maikakaila na sadyang napakalaki ang populasyon ng ating bansa na umaabot na sa 97,976,603 (CIA World Factbook, 2009). Sa katunayan, tayo ay pang-labindalawa na sa mga bansang may pinakamalaking populasyon. Sa labindalawang bansang ito, tanging Bangladesh at Pilipinas lamang ag maliit na bansa kung pagbabatayan ang lawak ng teritoryo. (http://www.indexmundi.com/g/r.aspx).

Malaki ang kaugnayan ng populasyon sa ekonomiya at kaunlaran ng isang bansa.Kapag sobrang dami ang tao at hindi naman masigla ang ekonomiya, asahan na na marami ang walang trabaho o kung hindi naman ay underemployed. Marami rin ang kailangang pakainin ng pamahalaan. Wala nang mas gaganda pang halimbawa kaysa sa isang malaking pamilya. Mas malaki ang gastusin kung maraming anak dahil marami ang pakakainin, bibihisan, paaaralin at aalagaan. Kung pareho lamang ang kinikita ng dalawang pamilya at ceteris paribus, siguradong mas maginhawa ang buhay ng maliit na pamilya kaysa sa malaking pamilya.

 Sa kaso ng Pilipinas, ang karamihan ng mga Pilipino ay kabilang sa mga mahihirap. Kapansin pansin din na ordinaryo na sa mga depressed area ang malalaking pamilya (na minsan ay umaabot ng 10 pataas) habang bihira naman sa mga middle class at mayayamang mga pamilya ang may maraming anak sa kasalukuyang panahon.

Bakit ito nangyayari?

Maihahalintulad sa isang siklo ang kahirapan at ang mataas na populasyon sa ating bansa.Marami ang maagang nabubuntis dahil wala namang sapat at wastong kaalaman ang kabataan tungkol sa pagtatalik at responsibilidad na kaakibat nito (Kulang ang kanilang kaalaman dahil wala namang matinong sex education sa paaralan at nag-aalangan din ang mga magulang na ituro ito sa kanilang mga anak). Kadalasan kapag nabuntis ang babae ay napipilitan siyang huminto sa pag-aaral (lalo na kapag hindi naman galing sa mayamang pamilya ang babae). Napipilitan din ang batang ama na huminto sa pag-aaral upang maghanapbuhay at may maipakain sa kanyang magiging pamilya. Dahil hindi nakatapos, mga pang minimum wage na trabaho lamang ang mahanap nila at minsan pa nga ay below minimum wage pa. Dahil wala pa ring sapat na kaalaman at disiplina sa pagtatalik ang mag-asawa ay malaki ang tsansa na dumami ang kanilang anak. Masasadlak ang pamilya nila sa kahirapan dahil hindi sapat ang minimum wage para buhayin ang isang malaking pamilya. Dahil magastos ang magpaaral, maaaring isa na lamang sa kanilang mga anak ang mapatuntong nila ng kolehiyo habang ang iba naman ay maagang magtatrabaho upang makatulong sa magulang. Sa kasamaang palad, hindi rin malayo na mabuntis o makabuntis ang pinapaaral nilang anak dahil sa uri ng lugar na kanilang ginagalawan. Dahil sa kakulangan sa edukasyon, maaaring magaya rin ang kapalaran ng mga anak sa kanilang mga magulang. Dito nagpapatuloy ang siklo ng kahirapan at malaking populasyon sa ating bansa.
Mga contraceptive

Paano mapuputol ang siklo na ito?

Maaaring unti-unting maputol ang siklo na ito kung mayroong sapat na kaalaman ang kabataan tungkol sa responsibilidad na kaakibat ng pagtatalik at kung may access lamang ang mga mahihirap sa mga family planning method at contraceptives. Dito pumapasok ang RH Bill. Layunin ng RH Bill na maituro sa kabataan ang responsibilidad na kaakibat ng pagtatalik sa papamagitan ng sex education. Layunin din nito na magpamigay ng mga contraceptive na bagama’t available na kahit saan ay hindi naman accessible sa mga mahihirap. 


Mahihirap ang kadalasang nag
pupunta sa mga health station
Ang una nating tinalakay ay sa aspektong microeconomics pa lamang. Kung pag-uusapan ang pangkalahatang ekonomiya, napakalaking pasanin ng pamahalaan ang napakaraming mahihirap (na kadalasang may malalaking pamilya) sa ating bansa. Bukod sa katiwalian, sa mga mahihirap napupunta ang malaking bahagi ng pondo ng pamahalaan. Sa pambansang badyet lamang para sa 2011, Php 21 Billion ang inilaan sa “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” ng pamahalaan. Sila rin ang pangunahing nakikinabang sa iba pang subsidy tulad na lamang ng Pantawid Pasada Program atbp. Ang mga mahihirap din  ang suki ng mga barangay health station, pampublikong ospital, housing projects, public attorney’s office, pampublikong paaralan at iba pang institusyon na nagkakaloob ng serbisyong panlipunan. Karamihan din sa mga snatcher at holdaper sa pinakakain natin sa mga kulungan ay mahihirap.



Saan kinukuha ang pangtustos sa mga serbisyong panlipunan ng pamahalaan na pinakikinabangan ng mga mahihirap? Saan pa edi sa buwis na binabayaran mo at ng magulang mo. Oo tama, imbes na ikaw ang makinabang sa buwis na binabayaran ninyo ay pinakikinabangan lamang ito ng mga mahihirap. Kaya naman sa pagkakataon na kailangan mo ng serbisyong panlipunan mula sa pamahalaan (tulad ng libreng bakuna sa mga sakit) ay wala nang maibibigay sa iyo ang mga barangay health station dahil inubos na ng mga mahihirap (na kadalasang hindi naman nagbabayad ng buwis) ang mga bakuna. Samakatuwid matagal na nating sinusustentuhan ang mga mahihirap. Lumalabas din na tayong mga ordinaryong Pilipino ang malaking stakeholder dito at hindi ang Simbahang Katoliko dahil unang-una ay pera natin ang pinanggagastos ng pamahalaan at hindi naman binubuwisan ang mga simbahan.

Nararapat lamang na makontrol ang populasyon upang mabawasan ang mahihirap at makinabang naman tayo mula sa buwis nating binabayaran at hindi laging mga mahihirap na lang ang nakikinabang dito.


Bagama’t masasabing isa ang RH Bill sa mga solusyon upang wakasan ang kahirapan, hindi naman ito isang magic pill na kapag naipasa ngayon ay biglaang mawawala ang kahirapan. Maiihalintulad ang RH Bill sa isang food supplement laban sa diabetes. Tulad ng isang food supplement na kailangan ng balanced diet at proper exercise para maging mabisa, magiging mabisa lamang ang RH Bill sa pagsugpo sa kahirapan kung kaakibat nito ang paglaban sa katiwalian, dekalidad na edukasyon sa mga Pilipino, matalinong pamumuno, pagpapayabong ng research and development at pakikipagkumpetensya ng mga Pinoy sa mga multi-national companies. Tulad din ng isang food supplement, hindi rin agarang mararamdaman ang epekto ng RH Bill. Nangangailangan muna ito ng ilang dekada bago ito maramdaman. Subalit sulit naman ang paghihintay dahil tiyak na makikinabang ang mga susunod na henerasyon. Hindi lang kasi dapat kasalukuyan ang iniisip natin. Dapat ay pagplanuhan na rin natin kung ano ang nais nating mangyari sa ating bansa ilang dekada mula ngayon.

Sa mga ganitong kadahilanan ay naniniwala akong nararapat na ngang maipasa ang RH Bill.

Isa sa mga argumento ng mga anti- RH Bill ay hindi naman talaga problema ang populasyon sa ating bansa. Kung tutuusin nga raw isa raw itong yaman ng ating bansa. Kasayangan lang daw sa pondo ng pamahalaan kung kokontrolin ang populasyon.

Oo, isa naman talagang yaman ng bansa ang yamang tao. Pero maiihalintulad natin ang yamang tao sa langis. Ano ang silbi ng isang timba na langis kung wala ka namang sasakyan na paggagamitan nito? Aba, baka makasunog pa ito ng bahay mo. Sa parehong paraan, ano ang gagawin natin sa napakaraming Pinoy kung wala naman tayong kakayahan na linangin ang kanilang mga kakayahan, kung wala naman tayong trabaho na maibibigay sa kanila? Siguro maaari nga naman nating ibenta ang langis sa ibang bansa na nangangailangan nito. Oo, tama. Puwede nga naman nating ibenta ang langis sa ibang bansa at puwede rin naman nating ibenta ang mga Pinoy sa ibang bansa upang magtrabaho bilang mga OFW o kung hindi naman ay mga drug mule. Nakakalungkot isipin na mga kababayan natin ang pinakamalaki nating ini-export na produkto sa ibang bansa. Napakasigla rin industriya ng human trafficking sa ating bansa. Bakit ito nangyayari? Siguro wala na silang mahanap na trabaho sa ating bansa dahil sa sobrang dami ng Pinoy. 

Pero bakit naman ang Tsina, Indonesia, Brazil at India? Malaki ang kanilang populasyon pero masigla ang ekonomiya nila?

OFWs: Pinakamalaking export ng bansa
Kung titingnan natin ang mga bansang ito, lahat ay pawang malalaking bansa. Isa pa, bagama’t masigla ang kanilang ekonomiya, mapapansin naman nating mababa ang per capita income ng mga bansang ito. Ibig sabihin kung hahatiin nang pantay-pantay ang kabuuang yaman ng bansa sa lahat ng mga mamamayan, lalabas na maliit lang na halaga ang matatanggap ng bawat isa. Kapansin-pansin din na sa mga bansang tulad ng Brazil at Indonesia, ang malaking bahagi ng yaman ay nakasentro lamang sa mga upper class.

Matindi rin ang pagtutol ng Simbahang Katoliko pati na ng mga Anti-RH Bill sa nasabing batas dahil hinihikayat daw nito ang aborsyon at labag ito sa konstitusyon.

Sa pangkalahtan, walang nilalabag sa konstitusyon ang RH Bill. Taliwas sa sinasabi ng mga kontra sa RH Bill, hindi naman pinapatay ng mga contraceptive ang sanggol. Sa paggamit kasi ng contraceptives tulad ng condom, iniiwasan ang pagtatagpo ng egg cell at sperm cell kaya walang fertilization o conception na nagaganap (Ayon sa Philippine Medical Association, ang buhay ay nag-uumpisa kapag nagkaroon ng fertilization o kapag nagtagpo na ang egg cell at sperm cell).


Wala ring batayan ang argumento ng iba na sa pamamagitan ng paggamit ng contraceptives ay pumapatay tayo ng buhay indirectly sapagkat hindi natin binibigyan ng pagkakataon na magkatagpo ang egg cell at sperm cell.Tuwing nagkakaroon ng ejaculation ang lalake ay milyon-miyong sperm cell ang inilalabas ng kanyang katawan. Sa milyong sperm cell na ito ay isa lamang ang pwedeng makatagpo ng egg cell upang maging zygote. Ibig sabihin kahit hindi tayo gumamit ng contraceptive ay napakaraming sperm cell ang namamamtay. Sa mismong pagjajakol nga ay napakaraming sperm cell din ang namamatay at paniguradong                                                    kakaunting lalake lamang ang hindi nakagawa nito.

Hindi rin tungkulin ng simbahan ang magdikta. Ang tungkulin ng simbahan ay mangaral. Ang RH Bill ay isang batas na nagbibigay sa mga mahihirap ng access sa contraceptives. Kung kontra ang simbahang katoliko sa paggamit ng contraceptives ay maaaring mangaral na lamang ito sa pulpito. Kung naging mahusay ang kanilang pangangaral at kung naniniwala sa kanila ang mga Pinoy hindi naman gagamit ang mga Pilipino ng mga condom kahit na bigyan sila ng pamahalaan. Maaari pa ngang maging sukatan ang RH Bill kung naging matagumpay ba ang simbahan sa pangangaral nito laban sa paggamit ng artificial contraceptives.

    Ayon din sa mga sarbey, higit na nakararaming mga Pilipino ang gustong maipasa ang RH Bill at sa isang bansang demokratiko, nararapat lamang na mapakinggan ang tinig ng nakararami.
Reproductive Health Bill Survey
Resulta ng survey ng Pulse Asia tungkol sa RH Bill
     Bagama’t matindi ang pagsang-ayon ko sa RH Bill, may mga ilan namang isyu rito na dapat pagtuunan ng pansin. Una, tulad ng sinabi ng isang doctor na kontra sa RH Bill, may ilang artificial contraceptives na abortifacient o nakakapagpalaglag tulad ng IUD. Dapat ay suriin ang lahat ng klase ng mga artificial contraceptive na ipamimigay ng pamahalaan at siguruhing wala rito ang abortifacient. Marami namang contraceptive tulad ng condom ang hindi abortifacient. Ikalawa, dapat ding tutukan kung ano-anong mga kompanya ang makikinabang sa RH Bill. Malaki rin kasi ang tsansa na mga multinational company lamang na nagbebenta ng contraceptives ang nagtutulak ng RH Bill upang sila ang makakakuha ng kontrata  nito. Iwasan dapat hangga’t maiiwasan ang pagkuha sa mga multi-national company bilang panggagalingan ng mga contraceptive na ipamimigay ng pamahalaan. Mas mainam kung mga kompanya na pag-mamayari ng mga Pinoy ang makakuha ng kontrata nito upang mas malaki ang pakinabang sa ating ekonomiya. Kung matutugunan ang mga isyu na ito at iba pang mga pinupunto ng mga kontra sa RH Bill ay wala nang hadlang para ito ay maipasa.

    Napapanahon nang maipasa ang RH Bill. Malaki ang maitutulong nito upang unti-unting mawakasan ang kahirapan at mapaunlad ang ating bansa. Ang RH Bill ay isang food supplement na kailangan ni Juan dela Cruz upang labanan ang sakit niyang kahirapan. Kung sasabayan ni Juan dela Cruz ang RH Bill ng paglaban sa katiwalian, dekalidad na edukasyon sa mga Pilipino, matalinong pamumuno, pagpapayabong ng research and development at pakikipagkumpetensya ng mga Pinoy sa mga multi-national companies, tiyak na masusugpo ang sakit niyang kung tawagin ay kahirapan. No approved therapeutic claims