Kung hindi pa, sayang naman ang pagkakataon mong manalo ng 700 milyong piso. Oo aabot na ng 738 milyong piso ang papremyo sa 6/55 Lotto sa susunod na bola nito sa Lunes. (http://www.gmanews.tv/story/207066/still-no-winner-of-over-p600-million-grand-lotto-pot). At dahil nga dito napakahaba na ng pila sa halos lahat ng lotto outlet ngayon.
Kung hindi ka pa tumataya sa 6/55 at nagtataka ka kung bakit ganoon ang tawag dito ay nararapat lamang na malaman mo na. Tinawag itong 6/55 dahil kailangan mong mag-isip ng anim na numero upang ikaw ay makataya. Ang mga numero dapat ay hanggang 55. Napakaliit ang tsansa na manalo sa 6/55 dahil sa kabuuan ay mayroong 28,989,675 na posibleng kombinasyon na maaaring pagpilian (http://rico.mossesgeld.com/2010/11/what-are-your-chances-of-winning-the-655-lotto/). Kaya naman hindi kataka-taka na lumagpas na ngayon sa 700 M ang jackpot dahil nadadagdagan ito tuwing walang nakakakuha ng winning combination.
Nasindak ka ba sa liit ng tsansa mong manalo sa 6/55? Bakit hindi mo subukan ang Jueteng? Halos katulad lang din naman sa 6/55 ang paraan ng pagtaya rito pero mas madaling manalo. Tulad ng lotto, kailangan mo ring mag-isip ng numero upang makataya pero dalawang numero lang ang dapat mong isipin. Ang mga numero ay hanggang 37 din lamang kaya mas malaki ang tsansang manalo. Kadalasan ang operasyon ng Jueteng ay nasa lokal na lebel lamang kaya hindi umaabot ng milyon-milyon ang jackpot nito.
Napakalaki nga ng pagkakatulad ng Jueteng at Lotto kaya hindi ko pa rin maisip kung bakit ginagawang ilegal ang Jueteng at ligal ang loto. Pareho lang naman silang sugal na nangangailangan ng tao. Pareho lang naman silang tinatangkilik ng masa. Pareho namang bahagi lang ng kabuuang pera ang ginagawang papremyo. Kaya bakit nananatiling ilegal ang Jueteng?
Sabi ng iba, iba daw ang lotto kasi nakakatulong daw sa mahihirap. E paano naman kung ang isang Jueteng Lord ay tumutulong din sa mahihirap? May monopolyo na ba ngayon sa pagtulong sa kapwa ang PCSO? Hindi ba nakakatulong pa nga ang mga Jueteng Lord dahil binabayaran din nila ang kanilang mga kobrador at kabo?
Ito pa ang mas nakapagtataka. Upang sugpuin ang Jueteng ay nagtayo ng mga Small Town Lottery ang pamahalaan. Susugpuin ng sugal ang kapwa sugal? Ano ba naman yan?
O baka naman kaya ayaw nilang gawing ligal ang Jueteng dahil may ilang nakikinabang. Kasi nga naman kapag ginawang ligal naang Jueteng ay wala nang lagay kay Mayor, Governor at Provincial Director. Mawawala na siguro ang milyon-milyon nilang natatanggap kada buwan.
Dapat ay maging malinaw na ang pamahalaan sa mga plano nito. Ipagbabawal ba talaga ang sugal o hindi? Kung bawal, dapat bawal talaga. Walang exceptions.Walang double standards.
Sa ngayon, nananatiling malabo pa rin sa akin kung bakit ilegal ang Jueteng at ligal ang sugal na pinatatakbo ng pamahalaan. Kasinglabo ng pag-asa ko na manalo sa 6/55.
Sunday, November 28, 2010
Saturday, November 27, 2010
Ang Strike laban sa "Budget Cut (daw)"
Nitong mga nakaraang araw (Nobyembre 25-26) ay bumandera sa ating mga telebisyon ang welga at strike ng mga mag-aaral at mga guro sa iba't ibang pampublikong kolehiyo. Ipinaglalaban daw nila ang ang pagbibigay ng pamahalaan ng mas mataas na budget para sa mga state colleges and universities. Pinangunahan ang strike ng mga mag-aaral ng UP Diliman, UP Manila pati na ng PUP. Sa UP Manila pa nga lang, humigit kumulang sa 2000 mag-aaral daw ang sumama sa strike kaya naman kakaunti lamang ang nagkaroon ng klase.
Pero kung susuriin natin, may katwiran nga ba ang pinaglalaban ng mga estudyante na sumali sa strike? Kung babasahin ang opisyal na pahayag ng Palasyo (http://www.gov.ph/2010/10/19/statement-of-president-aquino-in-response-to-queries-about-the-budget-of-state-universities-and-colleges/), masasabing hindi naman talaga binawasan ang budget ng edukasyon. Sa katunayan, mula 240 B ay naging 270 B pa nga ito ngayon. Ang pinagkaiba nga lang ay pinagtuunan ng pansin ng palasyo ang Basic Education (Elementarya at High School) sa halip na sa Tertiary. Marahil ito ay makatwiran lamang sapagkat hindi naman tayo makakatungtong ng kolehiyo kung hindi tayo dumaan sa elementarya at high school. Kung may uunahin nga naman, dapat unahin ang elementarya at high school. Sabi nga ni PNoy, "Ang basic education ay dapat libre para sa lahat, kaya malaki ang budget na idinagdag natin sa DepEd. Sa pamamagitan nito, masisigurong mabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makapag-aral."
Isa pa ay hindi naman talaga bumaba ang budget ng mga SUCs. Sa katotohanan ay tumaas nga ito at naging 23.4 B mula sa 21 B. Hindi lang talaga naaprubahan ang proposed budget ng mga SUCs pero kahit papaano ay dinagdagan pa rin naman ito ng pamahalaan.
Kung mayroon mang binawasan ng budget ng medyo malaki, ito ay ang Unibersidad ng Pilipinas at ito ay nararapat lamang dahil sa maraming dahilan. Una, higit sa 6 B ang nakalaan na pondo sa UP nitong nakaraang taon at ito ay napakalaking bahagi ng kabuuang budget ng mga SUCs kaya naman nararapat lamang na bawasan nito. Kung paghahambingin natin, ang PUP na may 60000+ na estudyante ay may 600M na budget habang ang UP naman na may 10000+ lamang na estudyante ay may budget na 5B. Ibig sabihin halos 500,000 piso ang nilalaan ng pamahalaan sa kada mag-aaral sa UP. Hindi pa ba ito sapat?
Ikalawa, bukod sa budget ay marami pang pinagkukunan ng pera ang UP. Sumisingil ito ng higit sa 20,000 pesos sa bawat mag-aaral na nasa Bracket B. Bukod pa ito sa mayayaman na nagbabayad nang higit sa 30,000 pesos kada semestre na nasa Bracket A. Kumikita rin ang UP sa iba't ibang (Income Generating Projects (IGP) tulad ng Ayala TechnoHub at iba pang establishimyento sa Diliman. Bukod pa rito ay tumatanggap din ito ng malaking halaga mula sa mga alumni nito. Ang pinagsama-samang halaga nito kung iisipin ay dapat sapat na upang mapatakbo ang UP ng wasto. Mukhang hindi nga budget ang problema sa UP kundi kung saan talaga napupunta ang budget.
Ikatlo, hindi ata maktwiran na malaking budget ang binibigay sa isang unibersidad tulad ng UP kung saan napakarami ang mga mayayaman na may sariling condo at mga kotse.kung papipiliin nga ay mas mainam pa na mapunta sa mga provincial state universities pati na sa PUP ang mas mataas na budget kaysa sa UP
Ikaapat, hindi rin makatwiran ang hinihinging 18B na budget na hinihingi ng Pamunuan ng UP dahil sobrang laki nito para sa isang pamantasan.
Tulad ng larawan sa taas, mukhang hindi na nga makakita sa Oblation. Hindi na niya alam kung paano maging Iskolar para sa Bayan. Mukhang nagiging ganid at makasarili na siya.
Hindi rin makatwiran ang argumento ng mga nag-strike na imbes na maglaan ng bilyong-bilyong piso para sa conditional cash transfer ay ibigay na lang ito sa mga pamantasan tulad ng UP. Mahalaga ang conditional cash transfer lalo na sa mga mahihirap sapagkat ito ay kailangan nila upang maitawid ang pang-araw araw hanggang sa makatapos na ang mga anak nila at makaginhawa sa buhay nila.
Sa mga nagsasabi naman na dapat turuan ang mga mahihirap na mangisda at hindi na lang basta-basta bigyan ng isda, ito lang ang masasabi ko. Paano mo matuturuan ang isang tao na mangisda kung gutom siya ngayon? Matututo kaya siya? Dapat mapunan muna ang kanyang gutom pansamantala upang matutong mangisda.Hindi dapat alisan ng panawid gutom ang mga mahihirap.
Kung mayroon mang dapat tapyasan ng pondo, ito ay ang naglalakihang pork barrel ng mga ganid na mambabatas na ang ilang ay nagtapos din naman sa UP.
Karapat dapat lamang ang mas mataas na budget sa mga provincial state universities at iba pang pamantasan kung saan maraming mahihirap ang nag-aaral pero hindi para sa Up.
Karapat dapat lamang ang mas mataas na budget sa mga provincial state universities at iba pang pamantasan kung saan maraming mahihirap ang nag-aaral pero hindi para sa Up.
Para sa mga kapwa kong Iskolar ng Bayan, sa mga pagkakataong tulad nito, dapat matuto ang tayo na pagkasyahin ang ating pondo. Dapat ay matiyak natin na napupunta ang pondo sa dapat nitong kapuntahan. Mukhang maling pangulo ang pinagbabalingan natin ng galit. Mukhang ang dapat nating harapin ay ang pangulo na nasa Quezon Hall.
Kayo mga kapwa mapanuring Pinoy, ano ang opinyon mo sa isyung ito?
Maligayang Bati sa Mapanuring Pinoy
Huwag Magpahuli. Maging Mapanuri.
Maligayang Bati! Tuloy ka rito sa Mapanuring Pinoy.
Ang Mapanuring Pinoy ay isang blog na aking nilikha kung saan maihahayag ko ang aking mga opinyon at kuro-kuro tungkol sa iba't ibang isyu na nagaganap sa ating bansa. Bagama't ito ay isang personal na blog, ito ay bukas sa lahat, lalo na para sa mga opinyon ng kapwa kong mapanuring Pilipino. Dito ay tatalakayin natin ang iba't ibang mga pangyayari sa bansa natin ngayon.
Bukod sa mga opinyon at kuro-kuro, maglalaman din ito ng iba't ibang kaalaman na maaring makatulong sa ating pang-araw araw na buhay.
Sama-sama nating gisingin ang kamalayang Pilipino. Huwag tayo magpahuli. Laging maging mapanuri
Maligayang Bati! Tuloy ka rito sa Mapanuring Pinoy.
Ang Mapanuring Pinoy ay isang blog na aking nilikha kung saan maihahayag ko ang aking mga opinyon at kuro-kuro tungkol sa iba't ibang isyu na nagaganap sa ating bansa. Bagama't ito ay isang personal na blog, ito ay bukas sa lahat, lalo na para sa mga opinyon ng kapwa kong mapanuring Pilipino. Dito ay tatalakayin natin ang iba't ibang mga pangyayari sa bansa natin ngayon.
Bukod sa mga opinyon at kuro-kuro, maglalaman din ito ng iba't ibang kaalaman na maaring makatulong sa ating pang-araw araw na buhay.
Sama-sama nating gisingin ang kamalayang Pilipino. Huwag tayo magpahuli. Laging maging mapanuri
Subscribe to:
Posts (Atom)