Kung hindi pa, sayang naman ang pagkakataon mong manalo ng 700 milyong piso. Oo aabot na ng 738 milyong piso ang papremyo sa 6/55 Lotto sa susunod na bola nito sa Lunes. (http://www.gmanews.tv/story/207066/still-no-winner-of-over-p600-million-grand-lotto-pot). At dahil nga dito napakahaba na ng pila sa halos lahat ng lotto outlet ngayon.
Kung hindi ka pa tumataya sa 6/55 at nagtataka ka kung bakit ganoon ang tawag dito ay nararapat lamang na malaman mo na. Tinawag itong 6/55 dahil kailangan mong mag-isip ng anim na numero upang ikaw ay makataya. Ang mga numero dapat ay hanggang 55. Napakaliit ang tsansa na manalo sa 6/55 dahil sa kabuuan ay mayroong 28,989,675 na posibleng kombinasyon na maaaring pagpilian (http://rico.mossesgeld.com/2010/11/what-are-your-chances-of-winning-the-655-lotto/). Kaya naman hindi kataka-taka na lumagpas na ngayon sa 700 M ang jackpot dahil nadadagdagan ito tuwing walang nakakakuha ng winning combination.
Nasindak ka ba sa liit ng tsansa mong manalo sa 6/55? Bakit hindi mo subukan ang Jueteng? Halos katulad lang din naman sa 6/55 ang paraan ng pagtaya rito pero mas madaling manalo. Tulad ng lotto, kailangan mo ring mag-isip ng numero upang makataya pero dalawang numero lang ang dapat mong isipin. Ang mga numero ay hanggang 37 din lamang kaya mas malaki ang tsansang manalo. Kadalasan ang operasyon ng Jueteng ay nasa lokal na lebel lamang kaya hindi umaabot ng milyon-milyon ang jackpot nito.
Napakalaki nga ng pagkakatulad ng Jueteng at Lotto kaya hindi ko pa rin maisip kung bakit ginagawang ilegal ang Jueteng at ligal ang loto. Pareho lang naman silang sugal na nangangailangan ng tao. Pareho lang naman silang tinatangkilik ng masa. Pareho namang bahagi lang ng kabuuang pera ang ginagawang papremyo. Kaya bakit nananatiling ilegal ang Jueteng?
Sabi ng iba, iba daw ang lotto kasi nakakatulong daw sa mahihirap. E paano naman kung ang isang Jueteng Lord ay tumutulong din sa mahihirap? May monopolyo na ba ngayon sa pagtulong sa kapwa ang PCSO? Hindi ba nakakatulong pa nga ang mga Jueteng Lord dahil binabayaran din nila ang kanilang mga kobrador at kabo?
Ito pa ang mas nakapagtataka. Upang sugpuin ang Jueteng ay nagtayo ng mga Small Town Lottery ang pamahalaan. Susugpuin ng sugal ang kapwa sugal? Ano ba naman yan?
O baka naman kaya ayaw nilang gawing ligal ang Jueteng dahil may ilang nakikinabang. Kasi nga naman kapag ginawang ligal naang Jueteng ay wala nang lagay kay Mayor, Governor at Provincial Director. Mawawala na siguro ang milyon-milyon nilang natatanggap kada buwan.
Dapat ay maging malinaw na ang pamahalaan sa mga plano nito. Ipagbabawal ba talaga ang sugal o hindi? Kung bawal, dapat bawal talaga. Walang exceptions.Walang double standards.
Sa ngayon, nananatiling malabo pa rin sa akin kung bakit ilegal ang Jueteng at ligal ang sugal na pinatatakbo ng pamahalaan. Kasinglabo ng pag-asa ko na manalo sa 6/55.
No comments:
Post a Comment