Napakahalaga ng tungkulin ng mga pulis sa ating bansa. Responsibilidad nila na tiyakin ang kaayusan at kapayapaan sa isang lugar. Sila ang naatasang magpatupad ng batas. Tungkulin din nila na hulihin ang mga taong nagkakasala at higit sa lahat, ang pagsilbihan ang sambayanan. Upang maisakatuparan ang kanilang tungkulin ay pinagkakalooban sila ng armas. Dahil sa napakahalagang trabaho sa ating bansa, ang mga pulis ay sinusunod, tinitingala at ginagalang.
Subalit sa kasamaang palad, mukhang kabaligtaran na ang mga nangyayari ngayon. Sa halip na tiyakin ang kaayusan at magpatupad ng batas, mukhang sila pa minsan ang numero-unong nangugulo sa kaayusan at lumalabag sa batas. Lumalabas din na imbes na pagsilbihan ang sambayanan, mukhang sila pa ang pinagsisilbihan ng sambayanan.
Napakarami nang kaso ng pang-aabuso ng pulis ang ating nabalitaan at ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ito.
Hindi natin makakalimutan ang Quirino Grandstand Hostage Drama kung saan nasaksihan ng mundo ang kahinaan ng ating SWAT (http://en.wikipedia.org/wiki/Manila_hostage_crisis). Noong ika-23 Agosto, 2010 ay pinasok ni Former Sr. Insp. Rolando Mendoza ang isang tourist bus na punong-puno ng mga turistang Hong Kong Nationals. Matapos ang ilang sandali ay dineklara niyang hostage na niya ang lahat ng nasa loob ng bus. Isa sa mga kundisyon niya sa pagpapalaya sa mga hostage ay ang pagbabalik sa kanya sa serbisyo. Bago kasi naganap ang panghohostage ay iniutos ng Ombudsman ang pagsibak kay Medoza mula sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot niya sa hulidap (robbery extortion). Noong una ay mahinahon si Mendoza at pinalaya pa nga niya ang ilan sa mga hostage. Subalit pagsapit ng gabi, matapos makita ang kanyang kapatid na pinosasan ay biglang nagbago ang timpla ni Mendoza at bumagsak ang negosasyon. Ipinag-utos ang pagsugod ng MPD-SWAT sa bus subalit tila hindi pala sila handa para dito. Nasaksihan ng buong mundo ang kakulangan nila sa kagamitan at kakayahan. Sa pagtatapos ng hostage drama ay 8 turistang Hong Kong Nationals ang namatay at marami ang pumuna sa kapalpakan ng mga pulis.
Bago pa man maganap ang Quirino Grandstand Hostage Taking ay nasadlak na rin sa kahihiyan at pambabatikos ang PNP lalo na ang Manila Police District matapos kumalat ang isang torture video. (http://www.abs-cbnnews.com/nation/metro-manila/08/18/10/cop-allegedly-torture-video-was-violent-arrogant) Sa nasabing video ay kitang-kita ang ginawang pangtotorture ni Senior Inspector Joselito Binayug sa isang hinihinalang snatcher. Sa video ay makikita na hinihila ni Binayug ang ari ng hubo’t hubad na lalaki gamit ang isang tali.
Noong ika-25 ng Nobyembre, 2010 lumabas ang balita na isang buntis na babae ang di-umano tinangkang patayin ng tatlong pulis sa Cavinti Road, Brgy, Pagsanjan, Pagsanjan, Laguna. (http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=633666&publicationSubCategoryId=67) Tinangkang patayin ng tatlong pulis ang babae sapagkat ito ay saksi sa ginagawa nilang hulidap (robbery extortion). Sa kabutihang palad ay nagawa niyang makatakas at di-nagtagal ay may isang drayber ng jip ang nagmagandang loob na itakbo siya sa ospital. Nahuli at kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa tatlong pulis habang ang isa ay hindi pa rin nahuhuli
Napasailalim naman si Senior Inspector Oscar Magsibang sa preventive suspension matapos makuhanan siya ng video habang nakikipagtalo at tinututukan niya ng baril ang mga security guards sa Ortigas Center. Nag-umpisa ang kaguluhan matapos sitahin si Magsibang ng mga sikyo dahil sa isang parking violation. Matapos magtawag ng backup na SWAT ay naging mayabang at arogante di-umano si Magsibang. Dahil sa kaguluhan ay maraming mga sibilyan ang natakot.
Ilang pulis mula sa Quezon City Police Disctrict naman ang nagtangkang kidnapin ang 1 Indian National. Sa naganap na engkwentro ay namatay ang dalawang kasamahan ng Indian National na pawang Indian din. Sa kabutihang palad ay naroroon ang isang Pulis-Pasay na nakipagbarilan sa mga pulis na nagtangkang mangidnap at dahil dito ay nakaligtas ang Indian National
At nito nga lamang ika-4 na Enero, ilang araw matapos ang bagong taon ay napabalita na isang babae ang ginahasa at ninakawan ng isang pulis sa mismong opisina ng Manila Police District’s Integrity Task Force. Ang pulis na sangkot sa kasong ito ay si PO3 Antonio Bautista Jr. Ayon sa balita, hinuli raw ni Bautista ang isang babae at dinala ito sa MPD-ITF kung saan ito ginahasa at ninakawan pa ng 4000 piso.
Bukod pa sa mga kasong ito ay hindi rin mawawala ang mga “Kotong-Cops”. Hindi ko makakalimutan ang pagkakataon kung saan hinarang kami ng mga pulis sa Bonifacio Avenue kahit na wala naman kaming nilabag na batas. Bagama’t hindi nila sinasabi, halatang humihingi ng kotong ang mga pulis. Nakipagmatigasan kami at binantaan namin na marereklamo sila kaya naman pinaalis na rin kami.
Nariyan din ang di-mabilang na mga pulis na inirereklamo ng mga complainants kay Raffy Tulfo sa Wanted sa Radyo tuwing hapon sa DZXL. Karamihan sa mga complainant ay mahihirap at kayang apihin ng mga pulis.
Madalas tuloy ay naitatanong natin kung nagagawa pa ba ng mga pulis natin ang kanilang mga trabaho? Dati rati panatag ang loob natin kapag may pulis pero ngayon ay kabaligtaran na ang nangyayari. Tuwing may pulis na malapit ay madalas kinakabahan na tayo na baka tayo ay mapagtripan o kaya ay makotongan.
Nakakainis, ano na ba ang nangyari sa ating pulis? Bakit kaya sila numero-uno pang nangugulo sa kaayusan at lumalabag sa batas? Bakit na sa halip na tayo’y pagsilbihan, mukhang sila pa ang pinagsisilbihan at pinalalamon lalo na ng maliliit na tao?
Marahil isa sa mga dahilan ay mali ang takbo ng isip ng mga pulis. Kadalasan ang iniisip lang nila ay ang kanilang kapangyarihan. Nagpapakahirap sila maging pulis upang maging siga, magkaroon ng baril, magkaroon ng kapangyarihan at mag-hariharian. Nakalimutan na nila na higit sa kapangyarihan sa kanila’y ibinigay, mas dapat nilang pagtuunan ng pansin ang pagsisilbi sa sambayanan.
Lumalabas din na hindi sapat ang kakayahan at kaalaman ng mga pulis. Hindi sila dumaan sa matinding pagsasanay. Kitang-kita ito sa kanilang pag-uugali, sa paghawak nila ng mga kaguluhan at pati na rin sa kanilang pangangatawan. Paano masasabing dumaan sa matinding pagsasanay ang mga pulis kung mas malaki pa ang tiyan nila sa isang babaeng buntis?
Sa pagsasanay kasi ng mga pulis, dapat ay quality over quantity. Wala ring kwenta ang maraming pulis kung karamihan naman sa kanila ay bastos at kulang sa kaalaman. Mas mainam na magkaroon ng mga pulis na magagalang, maalam at may kakayahan Di kataka-taka na kadalasan ay nalalabag nila ang karapatang pantao ng mga tao lalo na ng kanilang mga hinuhuli
Hindi rin maikakaila na kulang ang suporta ng pamahalaan sa mga pulis. Napakababa kasi ng kanilang sweldo kung ikukumpara sa napakabigat nilang responsibilidad. Bukod sa mababang sweldo, kadalasan din ay may kakulangan sa mga armas kaya naman napipilitan ang ilang mga pulis, lalo na yung mga baguhan, na mangotong para magkaroon ng pambili ng baril. Bukod sa mga armas, may kakulangan din sa mga sasakyan kaya minsan ay sarili nilang motorsiklo ang ginagamit nila pag rumeresponde. Napakahirap din sa mga pulis, lalo na sa mga baguhan, ang magpakatino kung yung mismong mga pinuno mo ang gumagawa ng mga kalokohan.
Kung nais ng pamahalaan na tumino ang ating mga pulis ay dapat higpitan ang screening para sa mga nagbabalak na mag-pulis. Makakatulong kung hindi lamang ang mga baguhan ang dumadaan sa screening, dapat ay magkaroon ng regular na pagsiyasat sa mga pulis, mula sa kanilang pangangatawan, sa kanilang performance record at mga kasong kinakaharap pati na rin sa kakayahan nilang rumesponde sa iba’t ibang pangyayari.
Mas maganda rin kung bibigyan ng mas mataas na sahod ang mga pulis pati na rin ng magaan sa bulsang pabahay. Kailangan din na dagdagan ng pamahalaan ang ibinibigay nito sa mga pulis at siguraduhing nakakarating ito sa mga PO1 at hindi hanggang kay heneral lamang.
Hindi maikakaila na nakakainis ang nangyayari sa ating mga pulis. Napakarami na nilang kinasangkutan na krimen at ito’y nadaragdagan araw-araw. Dapat ay kumilos na ang pamahalaan upang ito ay masolusyunan.