Friday, December 31, 2010

Bagong Taon, Bagong Pamasahe sa LRT

Kasabay ng pagsalubong sa bagong taon ay ang pagsalubong ng mga mananakay ng tren sa Metro Manila sa napipintong pagtataas ng pamasahe sa LRT. 

Kamakailan lang ay lumabas ang balita na balak nang taasan ang pamasahe sa LRT upang mabawasan ang gingastos ng pamahalaan sa subsidy sa LRT. Ayon sa DOTC, gagawin nang 30 pesos mula 12 pesos ang minimum fare sa LRT. (http://www.abs-cbnnews.com/video/business/12/27/10/lrt-fare-hike-looms-early-2011)

Sa aking palagay, nararapat lang na itaas na ang pamasahe sa LRT dahil sa ilang kadahilanan.


Una, hindi ito patas para sa mga drayber ng mga jip at bus. Malaki kasi ang kawalan nila sa kasalukuyang kaayusan. Isipin natin, ang train system sa Metro Manila ay tinutustusan ng gobyerno. Mas mabilis at ligtas din ito. Sino pa nga naman ang sasakay sa mga bus at jip na mas mabagal at mas mahal (lalo na pagdating sa mga malalayong distansya). Di tulad ng tren, hindi sila tinutustusan o sinasubsidize ng pamahalaan. Lumalabas na kinukumpetensya pa ng mga tren ang mga bus at jip at may malaking bentahe ang tren dahil ito ay mas mabilis, mas ligtas at subsidized pa ng pamahalaan

Ikalawa, hindi ito patas sa mga taga lalawigan pati na sa iba pang lungsod tulad ng Davao at Baguio. Tandaan natin na ang ipinangsa-subsidize ngayon sa mga tren ay nanggagaling sa buwis na binabayaran ng lahat ng mga Pinoy. Hindi ito patas sa iba sapagkat tanging mga taga-Metro Manila lamang ang nakikinabang dito  kahit na ang ipinangtutustos dito ay galing sa buwis  ng mga Pinoy pati na yung hindi nakatira sa Metro Manila. Kung balak mang i-subsidize ng pamahalaan ang mga tren, dapat ay palawakin muna ang sistema ng tren upang mas maraming Pinoy ang makinabang dito at mas maging katanggap-tanggap ang subsidy na ibinibigay ng pamahalaan.



Napakalaki rin ng lugi ng pamahalaan sa pagsa-subsidize sa mga tren. Bagama’t hindi layunin ng isang pamahalaan na tumubo, mali rin naman ata ang gumasta ng todo para sa isang bagay na pawang mga taga-Metro Manila lamang ang nakikinabang.

Maiihalintulad natin ang kaso na ito sa mga illegal settlers na pinapaalis ng MMDA. Kung ang mga illegal settlers ay matagal nang nakikinabang sa lupa na hindi naman sa kanila, ang mga parokyano naman ng tren ay matagal nang nakikinabang sa subsidy ng pamahalaan. Kung nagreklamo ang mga illegal settlers dahil sa pagpapaalis sa kanila sa halip na magpasalamat dahil matagal na silang nakinabang, nagrereklamo rin ngayon ang mananakay ng tren. Bakit hindi na lang tayo matuwa na matagal na tayong nakinabang sa mababang pamasahe? Kung ikukumpara nga natin sa ibang bansa, napakababa ng 15 pesos na pamasahe sa tren. Sa palagay ko, oras na para bayaran natin ang nararapat na pamasahe.

Pero kung babawasan ang subsidy sa mga tren at tataasan ang pamasahe, dapat ay mas gumanda ang serbisyo sa mga ito. Sa ngayon kasi ay sobra-sobrang siksikan sa mga tren. Madalas din ay matagal ang pagdating ng mga tren kaya naiipon ang mga pasahero. Kulang din ang kagamitan ng maraming istasyon tulad na lamang ng mga X-Ray Machine. Hindi ba nakakinis kapag may dala kang  regalo na pilit na pabubuksan ng mga sikyo dahil alang X-Ray Machine. Hindi rin maikakaila na ang ilang train coaches lalo na yung sa LRT 1 ay ginagamit pa rin kahit halatang luma na ang mga ito. Masasabing may kakulangan din sa bilang ng mga sikyo. Ang mga bagay na ito ay dapat maaksyonan kung sakali mang itataas ang pamasahe.

Bukod pa rito, dapat matiyak na ang pondong matitipid ng pamahalaan ay may magandang kapupuntuhan at hindi lamang mapupunta sa pork barrel ng mga mambabatas (na karamihan ay ginagasta sa mga proyekto kung saan may komisyon si congressman), pangit na tagline ng DOT at iba-iba pang pinagkakagastusan na wala namang katuturan. Mahirap kasing tanggapin na magbabayad tayo ng mas mataas na pamasahe upang mabigyan ng mas malaking pork barrel si congressman.

Dapat din ay iwasan na ng pamahalaan ang pagpasok sa mga public-private partnership tulad ng pinasok ng pamahalaan sa pagpapagawa ng mga tren. Di hamak sana na mas mababa ang pamasahe kaysa sa ipinapanukalang 30 pesos kung pamahalaan ang gumastos ang nagtayo nito. Hindi na kasi isasama sa pamasahe ang tubo na inaasahan ng mga investor mula sa pera nilang pinagkaloob. Bagama’t nagagawang makapagpatayo ng mas maraming proyekto, mas mahal naman ang binabayaran ng mga Pinoy na gumagamit nito dahil pinapatungan ito ng mga investors Ganito rin ang dahilan kung bakit napakamahal din ng toll fee sa iba’t ibang expressway sa bansa

Sa kabuuan,bagama't marami ang maapektuhan (lalo na ang mga working at middle class) , nararapat lamang na taasan ang pamasahe sa LRT tulad ng iminumungkahi ng DOTC. 


Ikaw, Mapanuring Pinoy, sa palagay mo ba nararapat nang itaas ang pamasahe sa LRT? Sumali na rin sa ating poll

Monday, December 27, 2010

Opinyon Mula sa Isang Mapanuring Pinoy tungkol sa CPP-NPA

Ang mababasa ninyo ay opinyon ng isang mapanuring Pinoy na bumisita sa ating blog. Ito ay tungkol sa ipinost natin patungkol sa ika-42 na anibersaryo ng CPP-NPA

Wala ni konting naidulot na maganda yang mga NPA na yan, puro perwisyo lang. Ni hindi nila naiintindihan ang tunay na pinaglalaban nila o kung ano ang kailangan ng tunay na mahihirap. Naghihirap ng nga ang mga Filipino lalo pa nilang pinagugulo ang buhay. Ayaw nila ng katahimikan, kapayapaan at kaunlaran, gusto lang nilang magpasikat, maging laman ng balita bilang mga sanggano, nagtatatapang tapangan sa pananakot at pag patay ng mga walang kalaban-labang mamamayan, bakit si Gloria at ang mga alipores at anak nila hindi nila nagawang galawin, bakit dahil ba sa napalaki ng binabayad nilang "REVOLUTIONARY TAX" busog na busog sila at hindi naghihirap?

Bakit hindi nila harapin ang kahirapan ng buong tapang, sipag at tyaga lang naman pwede na tayo mabuhay. Pero ano ang ginagawa ng mga NPA, "EXTORSION" ang ginagawa nila, ultimong mahirap na mamamayan nag uumpisa magnegosyo hinihingan na nila ng revolutionary tax kung hindi magbigay, susunugin ang negosyo mo at pagbabantaan ka pa. Kawawang Filipino talaga.

Ano ba talagang pinaglalaban ninyo, nasan ang katarungan. Habang nagpapakagago ang mga miyembro dito sa Pinas na mga gago naman talaga nasan sila Joma Sison, ayun nagpapakasarap sa ibang bansa. Kawawang mga Filipino biktima ng matatamis na salita ng mga nagpapanggap ng matalino upang makapag hikayat ng mga bagong miyembro gamit ang baril at mapang akit ng mga babae, hihikayatin kang sumama sa grupo nila. Kaya naman mga ugok at mapupusok ang miyembro nila.

Isa yang UP na yan, pugad ng mga nagpapanggap na matalino, pinopondohan ng gobyerno pero numero unong tagapag-taguyod ng komunismo.

Meron akong isang kwento mula sa isang sitio sa barangay namin, mahirap ng sabihin baka mapahamak pa tayo. Isang malaking pamilya, mag asawa at anim na anak, mayroong isang maliit na tindahan, maliit na negosyo upang itaguyod ang pamilya, sapat lang para sa araw-araw na pang kain. Ngunit lingo-linggo may bumababa galing sa bundok may dalang sako at papel kung saan nakalista ang mga kelangan nila. Aalis at magpapasalamat naman kapag nakuha na ang mga kelagan nila. Hindi nagtagal, AYUN sarado na ang tindahan. Sa isang sitio sa probinsya hindi mo maipagkakaila kung totoo kang kasapi ng NPA o hindi, kumpirmado sang miyembro ng NPA ang kumukolekta ng pagkain at kung anu ano pa sa mga tindahan sa kapatagan. Tapos sasabihin nila naghihirap sila sa bundok para lamang itaguyod nila ang kanilang layunin, mga GAGO, TARANDADO kayong mga NPA kayo.

Buti ng lang merong mga ganitong forum, atleast pwede natin mailabas kung ano talaga ang nilalaman ng ating damdamin at opinyon na walang kinatatakutang pagbabanta, putol dila o ibaon ng buhay.

Salamat sa mapanuring pinoy blogspot na ito.


- Kenneth

Sa Ika-42 Taon ng CPP-NPA, Ano Na ang Nangyari?




O binati ninyo na ba?

Nitong nakaraang ika-26 ng  Disyembre, 2010 ay nagdiwang ng ika-42 anibersaryo ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ng kanilang armadong grupo na New People’s Army (NPA)

Itinatag ang CPP-NPA noong ika-26 ng Disyembre, 1968 sa pangunguna ni Amado Guerrero  (Jose Maria Sison) bilang pagtuligsa at pagtutol  sa mga katiwalian ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Base na rin sa pangalan nito, itinataguyod ng CPP-NPA ang Komunismo sa Pilipinas.  Tinututulan din nila ang  foreign and feudal domination, combat subjectivism at opportunism sa ating bansa.

Karamihan daw sa mga sumasali rito ay ang mga mahihirap na nawawalan na ng pag-asa sa kasalukuyang tinatakbo ng ating lipunan lalo na ng ating pamahalaan.May mga nagsasabi kasi na kapag sumali daw sa CPP-NPA, ang ipinaglalaban daw ay ang sambayanan. Kapag nagtagumpay rin daw ang CPP-NPA ay magiginhawahan na ang mga tao lalo na ang mga mahihirap at matatamo na natin ang Utopia o ang perfect society. Marami rin ang sumasali rito dahil sinusunod daw nito ang mga ideolohiya at turo nila Karl Marx

Pero sa 42 taon nito, ano ba ang mga naidulot ng CPP-NPA sa ating bansa?

Hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang mga bakbakan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA. Noong ika-13 nga lang ng Disyembre ay nagsagawa ng ambush ang NPA kung saan isang menor de edad na sibilyan ang namatay. At sa gitna nga ng cease fire ngayong kapaskuhan ay mukhang aktibo pa rin ang NPA sa paglaban sa pamahalaan. (http://www.gmanews.tv/story/209161/afp-cppnpa-trade-accusations-of-violating-xmas-truce)

Mukhang malayo pa rin matamo ng CPP-NPA ang ipinapangako nilang Utopia o perfect society sa kanilang mga kasapi. Malayo kasi sa perfect society para sa komunismo ang ginagalawan natin ngayon. Maari tuloy nating itanong kung posible ba talaga ang perfect society na ito o pawang imahinasyon lamang?

Sa mga nagdaang panahon simula nang umusbong ang komunismo ay wala pang nakikitang perfect society sa ating mundo bagama’t marami na ang mga bansang tinangkilik ang komunismo. Kung iisipin nga, ang mga bansang tumangkilik sa komunismo ay naharap lamang sa napakaraming problema. Ang USSR, ang isa sa pinakilala tagapagtaguyod ng komunismo, ay bumagsak noong 1991 at nahati sa 15 bansa. Ang North Korea naman ay nakakaranas ng matinding kahirapan at  nangangailangan pa ng food aid mula sa UN. Ang Cuba ay nagbubunyi dahil mukhang nalalapit na ang pagbaba ni Fidel Castro. Ang China naman ay kinailangan pang magkaroon ng socialist market economy system upang umunlad. Bagama’t ikalawa sa pinakamalaking ekonomiya, hindi maiikaila na napakarami pa ring mahirap sa China dahil sa katotohanang isa ito sa pinakamalaking beneficiaries ng mga tulong na nanggagaling sa mga bansa tulad ng Japan.

Lumalabas na imahinasyon lamang ang konsepto ng Perfect Society. Oo magaling magsulat sina Marx tungkol sa isang perpektong lipunan pero lahat ng ito ay imposibleng mangyari sa mundo natin ngayon at ito ay mapapatunayan ng katotohanang wala pang umusbong na perfect society sa mundo kung saan lahat ay pantay-pantay. Paano naman kasi magkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa ilalim ng komunismo kung yung mga pinuno lamang nila tulad nina Fidel Castro, Jose Maria Sison at ang mga naging pinuno ng USSR ang nagkakamal ng limpak-limpak na salapi samantalang ang working class ay kailangang pagtiyagaan ang ibinibigay sa kanila ng pamahalaan na kakarampot na suporta. Nasaan ang pagkakapantay-pantay kung ang kapangyarihan at kayamanan ay nasa iilian lamang?

Naawa ako sa kalagayan ng komunismo sa Pilipinas, Mukhang marami kasi sa mga sumasama sa CPP-NPA lalo na ang mga mahihirap ang hindi nakakaintindi sa kanilang pinaglalaban. Pikit-mata silang naniniwala sa pangakong Utopia ng komunismo. Hindi pa nga ata nila nababasa at naiintindihan ang mga sinulat nila Marx tungkol sa komunismo.

Lumilitaw na mukhang bukod sa pakikipagbakbakan ay wala nang ibang plano ang CPP-NPA sa tutunguhin ng ating bansa kung sila ay magiging matagumpay. Ano ang gagawin nila? Paano nila hahawakan ang ating ekonomiya? Gagayahin ba nila ang palpak na sistema ng USSR? Mas mainam sana kung ang mga usaping ito at hindi ang pagpapalakas nila ng pwersa ang kanilang ipinapaalam sa madla

Hanggang ngayon ay nagsusumikap pa rin ang ating pamahalaan na makipagnegosasyon sa CPP-NPA. Matagal nang inaamo ng MalacaƱang ang mga CPP-NPA at mukhang hindi ito makatarungan. Marami nang nilabag na batas ang mga NPA. Bawat paglabag sa batas ay may katapat na kaparusahan. Dapat ay pinarusahan na ang mga kasapi ng NPA na pumatay, nanunog ng mga cell sites at nanggulo. Pero ano ang nangyayari? Inaamo pa sila ng pamahalaan. Dapat ay maging mas agresibo ang ating pamahalahaan sa pagsugpo sa kanila. Wala namang pinagkaiba ang mga kasapi ng NPA na nanununog ng cell sites sa isang arsonist. Pareho lang dapat silang makulong

Ito ay hamon ng Mapanuring Pinoy sa mga komunistang NPA. Sa 42 taon ninyo, ano na ba ang nagawa ninyo para pagandahin ang ating bansa? Pagtatanggol ba sa sambayanan ang pagpatay sa mga sibilyan na walang kamalay-malay pati na rin sa mga sundalo na may trabahong protektahan ang Pilipinas laban sa mga nanggugulo tulad ninyo. Pagtatanggol ba sa sambayanan ang pagsunog sa mga cell sites dahil sa hindi pagbayad sa hindi makatwirang revolutionary tax? Mukhang imbes na pagtatanggol, mukhang kinakalaban ninyo pa ang sambayanan.

Ang gusto ng mga Pilipino ay demokrasya at mga karapatan, mga bagay na hindi natamo at matatamo sa komunismo tulad na lang ng nakita natin sa USSR, NoKor, Cuba at China.

Ayaw ng karamihan ng mga Piliipino sa komunismo. Kulang sa 8000 lang kayo na may gusto niyan.



Friday, December 24, 2010

Maligayang Pasko sa Lahat!

Ilang oras na lang ay pasko na kaya naman Maligayang  Pasko sa Inyong Lahat. Nawa'y maging masaya ang inyong Pasko kasama ang inyong pamilya. Siya nga pala, ano gagawin ninyo ngayong pasko?

Thursday, December 23, 2010

Holiday Economics, Dapat pa bang Ipatupad?





Sa bisa ng ipinalabas na Executive Order No. 84 ni P-Noy, hindi na susundin ang Holiday Economics na ipinatupad noon ni PGMA. Nakasaad sa baba ang mga holiday para sa taong 2011


A. Regular Holidays

New Year’s Day – January 1 (Saturday)
Araw ng Kagitingan – April 9 (Saturday)
Maundy Thursday – April 21
Good Friday – April 22
Labor Day – May 1 (Sunday)
Independence Day – June 12 (Sunday)
National Heroes Day – August 29 (Last Monday of August)
Bonifacio Day – November 30 (Wednesday)
Christmas Day – December 25 (Sunday)
Rizal Day – December 30 (Friday)

B. Special (Non-Working) Days

Ninoy Aquino Day – August 21 (Sunday)
All Saints Day – November 1 (Tuesday)
Last Day of the Year – December 31 (Saturday)

C. Special Holiday (for all schools)

EDSA Revolution Anniversary – February 25 (Friday)

Mula sa 

Ang Holiday Economics ay isang patakaran dati ni PGMA kung saan inililipat ang special non-working holiday sa pinakamalapit no Lunes o Biyernes upang mapahaba ang weekend. Ginawa ito upang magkaroon daw ng pagkakataon ang mga Pinoy na makapagbakasyon, makapamasyal at makatulong sa industriya ng turismo sa bansa.

Noong una ay pabor ako sa aksyon na ito ni P-Noy. Ang katwiran ko kasi ay hindi tama na iusad ang mga non-working days upang magkaroon ng mas mahahaang weekend. Parang mali kasi na gawing prayoridad ang weekend kaysa sa mismong okasyon. Hindi ba parang nawawala ang katuturan ng mga holidays kapag ganito?

Pero nagbago ang opinyon ko matapos mabasa ang mga pananaw ng iba't ibang Pinoy sa isang forum. Hindi maikakaila na may magagandang dulot nga ang holiday economics sa industriya ng turismo sapagkat marami ang nakakapag-out of town dahil dito. Hindi nga rin naman nawawala ang katuturan ng mga holiday kahit na may pasok dahil marami namang paraan para gunitain ang mga ito.

Bagama't may magandang dulot sa turismo, mayroon din naman itong masamang dulot sa manufacturing industry.

Lumalabas na mayroong mga magaganda at masasamang epekto ang Holiday Economics. Ikaw mapanuring pinoy, ano mas matimbang sa iyo? Pabor ka ba sa pagsunod sa Holiday Economics o hindi at bakit?

Tuesday, December 21, 2010

Bagong Pera, Ang Daming Problema



Bagong Dalawampung Piso



Bagong Limampung Piso


Bagong Isandaang Piso


Bagong Dalawandaang Piso


Bagong Limandaang Piso


Bagong Isang Libong Piso

Halos kasabay nang pagpapakita ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa publiko ng bagong disenyo ng ating pera ay ang pagbatikos ng mga kritiko sa mga maling detalye daw na makikita sa perang papel. Ang ilan sa mga ito ay ang maling kulay ng tuka ng blue-naped parrot, hindi pagkakasama ng Batanes sa mapa ng Pilipinas at ang maling format ng scientific name ng mga hayop.


Dumepensa naman agad ang BSP at ang MalacaƱang. Ayon sa MalacaƱang, hindi naman daw mapa ang pera kaya hindi na mahalaga kung ito ay accurate. Ayon naman sa BSP, karamihan sa mga pagkakamaling nakita ng mga kritiko nila ay bunsod ng teknikal na limitasyon ng sukat ng papel pati na rin ng teknolohiya na kanilang ginamit.

Ikaw Mapanuring Pinoy, ano masasabi mo dito?  Malaking pagkakamali ba ang ginawa ng BSP at bakit? Ano ang masasabi mo sa mga kritiko? Nagustuhan mo ba ang bagong disenyo ng ating pera? Halina at makisali sa talakayan.

Siya nga pala, mas malaki pa ang Tarsier kaysa kay Gloria sa bagong dalawandaang piso

Monday, December 20, 2010

Ombudsman Gutierrez, Bakit Hindi Ka Pa Umaalis?

Marami na ang gustong magpatalsik kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Ito ay dahil sa panig daw at pinoprotektahan nito ang nakaraang administrasyon. Wala rin daw itong aksyon na ginagawa sa mga kaso ng katiwalian sa pamahalaan.

At mas lalo ngang tumindi ang mga panawagang ito matapos pumutok ang balita nitong mga nakaraang araw na pumasok ang Ombudsman sa isang plea bargain deal  kay General Carlos Garcia. Sa ilalim ng kasunduan ay magbabayad na lamang ng higit sa 100 milyon ang heneral upang iatras na ang kasong katiwalian sa kanya at ang matitira na lamang ay ang kasong bribery na maaring pyansahan.

Kung matatandaan natin, si General Carlos Garcia ay kinasuhan ng Graft and Corruption matapos di-umano magnakaw ng higit sa 300 milyong piso noong siya ay military comptoller pa. Napakaraming mga ebidensya ang ipinasa ng mga private lawyers tulad ni Frank Chavez na nagsampa ng kaso laban sa heneral.

Kaya nga marami ang nagalit nang malaman na pumasok ang Ombudsman sa isang plea bargain agreement sa heneral. Sabi nga ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte ay kaduda-duda ito. Ayon kasi sa mga abogado, pumapasok lamang daw dapat sa isang plea bargain agreement kapag sigurado na may sala ang isang tao pero walang matibay na ebidensya. Ito rin dapat daw ay ginagamit lamang kapag hindi pa naipriprisinta ang mga ebidensya.

Taliwas ang mga ito sa ginawa ngayon ng Ombudsman kung saan ay matibay ang mga ebidensya laban sa heneral. Naipresinta na rin ang mga ebidensya noong pinasok ang plea bargain agreement na ito. Malinaw na may iregularidad at ito'y kaduda-duda. 

Inihalintulad pa ni dating Solicitor General Simeon Marcelo sa isang laro ng basketbol ang mga pangyayari. Ayon sa kanya, kumbaga sa basketball ay last two minutes na at natambakan mo na ang kalaban tapos bigla mong sinabi na tabla na lang kayo.

Maling mali ang ginawa ng Ombudsman. Nagpapahiwatig ito ng maling mensahe na maari naman pala tayong magnakaw ng limpak-limpak na salapi tapos ay isasauli na lang natin ang kalahati at ayos na ang lahat. Tumubo pa tayo.

Mukhang kailangan pa nating umasa sa mas maraming kaso ng katiwalian na palalagpasin ng Ombudsman hanggang nariyan si Ombudsman Gutierrez.

Hindi ata bagay sa daang matuwid ang inyong ginawa Ombudsman Gutierrez. Mukhang nararapat lamang na ikaw ay umalis.

Sunday, December 19, 2010

Ang Morong 43



Nitong nakaraang Biyernes nang gabi ay pinalaya na rin sa wakas ang 38 sa tinaguriang Morong 43 na nakakulong sa Camp Bagong Diwa. Ang 5 ay nananatiling nakapiit sa Camp Capinpin (http://www.gmanews.tv/story/208604/free-at-last-most-of-morong-43-released-from-pnp-jail)


Ang Morong 43 ay binubuo ng 43 na mga health workers, doktor at health practitioners na inaresto ng  mga alagad ng militar at pulis sa Morong, Rizal.

Inakusahan ang Morong 43 ng militar na mga komunista, mga kasapi ng NPA at nagtatago ng mga armas at pampasabog. Dagdag pa nila ay nagsasanay raw sila upang maging handa sa panggagamot sa mga sugatang NPA.


Ayon naman sa Morong 43 ay nalabag ang human rights nila. Maling warrant of arres di umano ang ipinakita sa kanila. Nagtanim din daw ang militar ng mga ebidensya. Nakaranas din daw sila ng matinding pagpapahirap. Dahil dito ay umani ang militar ng batikos at marami ang kumampi sa Morong 43. Ang ilan pamantasan tulad ng UPM ay naging aktibo pa nga sa pagsuporta sa Morong 43.

Subalit sa kabila ng napakaraming humihingi ng kanilang kalayaan ay kataka-takang tumagal pa rin sila ng ilang buwan sa piitan. Ito ay kahit pa na maari naman silang tulungan ng DOJ at DOH kung kinakailangan at ang pangulo natin ngayon ay binatikos si PGMA na pangulo ng Pilipinas nung nahuli ang Morong 43.

Ayon pa kay P-Noy , bagama't inaamin nila na nagkamali ang militar dahil sa paglabag ng human rights ay sobra naman daw ang paghingi pa ng dispensa. Pinakawalan daw sila dahil lamang sa technicality. Nagsalita rin ang ilan sa Morong 43 at hinikayat nila ang kanilang mga kasamahan na umamin na sila na sila ay mga komunista.

Sa mga pangyayari ngayon ay lumalabas na mga komunista at kasapi nga ng NPA ang Morong 43. Subalit mali ang ginawa ng militar fahil kahit na sila ay kasapi ng NPA ay may karapatang pantao pa rin sila at dapat ay igalang ito ng militar.

Ikaw sa tingin mo, totoo nga kaya na mga komunista at kasapi ng NPA ang Morong 43? O sadyang nagkamali lamang ang militar sa paghuli sa kanila? Pabor ka ba sa pagpapalaya sa kanila at bakit?

Saturday, December 18, 2010

Musika: Si Gloc 9


Kilala ninyo ba si Gloc 9? 

Sa mga hindi nakakakilala sa kanya, siya ay isang Pinoy na rapper.Ang ilan sa kanyang mga kanta ay naglalaman at naglalarawan ng kasalukuyang kalagayan at paghihirap ni Juan dela Cruz tulad ng "Upuan"(http://www.youtube.com/watch?v=quvecsytua8) at Balita (http://www.youtube.com/watch?v=2LelEOgXo9A). Sa susunod na taon ay ilalabas na ang kanyang bagong album na pinangalanang "Talumpati" (http://www.youtube.com/watch?v=HfCqTLmycns). Isa sa mga kanta niya rito ay ang "Walang Natira" na ipinakikita ang paghihirap na dinaranas ng mga OFW na kailangan pang mawalay sa kanilang pamilya upang kumita ng pera.



Poll Results: Amateur ang Legal Team ni P-Noy

Halos nagkakaisa ang mga mapanuring Pinoy na baguhan ang legal team ni P-Noy kaya nahaharang ang mga Executive Orders na ipinalalabas ng palasyo. Mr. President, mukhang kailangan na po nating palitan ang ating mga tauhan. Baka po mas mapahamak pa kayo ng inyong mga tauhan

Saturday, December 11, 2010

Poll Results: Welga ng mga Mag-aaral at Pagbabawal sa Kuliglig

Tapos na ang botohan para sa dalawa nating survey.

Tungkol sa pagbabawal sa mga kuliglig, lumabalabas na hati ang opinyon sa pagbabawal sa mga kuliglig. 5 ang sang-ayon na dapat itong ipagbawal habang 6 naman ang sang-ayon na dapat itong ipagbawal.

Tungkol naman sa welga ng mga estudyante laban sa budget cut, higit na nakararami ang naniniwala sa  makatwiran ang ginawang demonstrasyong noong ika-25 at ika-26 ng Nobyembre.  16 ang nagsabing makatwiran ito habang 7 naman ang nagsabing hindi ito makatwiran.

Maraming salamat sa pagsali sa ating survey. Nawa'y dumami pa ang mapanuring pinoy. Bilang pasasalamat sa mga nakisali sa survey, panoorin ninyo na muna ang video na ito. Maagang pamasko ito para sa inyo.

http://www.youtube.com/watch?v=D4kXm2wpxy4

Sino ba may problema? Ang MalacaƱang o ang Korte Suprema?



Hindi lingid sa ating kaalaman na kamakailan lamang ay dineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Executive Order No. 1 ni P-Noy na bumubuo sa Truth Commission. Dahil dito ay nanganganib na hindi maisakatuparan ang pangako ni P-Noy na bubuo ng isang truth commission na maghahabol sa mga kasong kinasangkutan ni GMA. Binigyan ng korte ang MalacaƱang ng ilang araw upang gumawa ng motion for reconsideration.

Bukod sa EO 1, may mga kumwekwestyon na rin sa EO 2 (Pagsibak sa mga Midnight Appointees) at  EO No. 3.

Hati ang opinyon ng mga tao rito. May mga nagsasabi na sadyang kinakampihan ng Korte Suprema si PGMA dahil siya ang nagluklok kay Chief Justice Corona. May mga nagsasabi namang talagang mga amateur at bagito ang mga tauhan ni PNoy.

|Ikaw bilang isang mapanuring P-Noy, ano ang masasabi mo sa isyu na ito? Isulat na ang iyong kumento. Sumali na rin sa ating poll.

Saturday, December 4, 2010

Ang Panig ng Kuliglig

Kamakailan ay nagwelga ang mga drayber ng kuliglig sa Lawton, Maynila. Dala ang kanilang mga kuliglig ay sama-sama silang nagprotesta laban sa kautusan na ipinalabas ng tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim. Hinarangan ng mga nagwelga ang kalsada kaya naman napilitan ang mga pulis na itaboy sila sa pamamagitan ng pagbomba ng tubig. Gumanti naman ang mga nagwewelga at pinagbabato nila ang mga pulis. Bilang ganti ay gumamit na ang mga pulis ng tear gas saka nila pinaghuhuli ang ilang mga nagwelga. Sa pangyayaring ito ay parehong may nasaktan sa panig ng mga pulis at mga drayber ng kuliglig. Nagsisisihan ngayon ang magkabilang panig kung sino ba talaga ang nag-umpisa ng gulo.

Kung nais nating tumbukin kung sino ang talagang nag-umpisa ng gulo ay dapat tingnan din natin ang dahilan ng pagwewelga ng mga drayber. Nagwelga sila sapagkat iniutos ng pamahalaang lungsod ang pagbabawal ng mga kuliglig sa lansangan. Dahil dito, hindi rin natin siguro masisisi ang mga drayber ng kuliglig na nagwelga sa parehong paraan na hindi natin masisisi ang isang pusa na nagnanakaw ng pagkain kapag siya ay nagugutom. Ito ay kailangan nila upang patuloy na mabuhay. Tinanggalan ng hanapbuhay ang mga drayber na natatrabaho ng marangal sa pang-araw araw upang may mapakain ang kanilang pamilya. Tinanggalan ng hanapbuhay ang mga drayber na hindi nangongotong, di tulad ng mga namalo sa kanilang mga pulis. Tinanggalan ng hanapbuhay ang mga maliliit na drayber na nagbagong buhay mula sa pagiging holdaper dati. Dapat ba ay matuwa sila sa ginawa ng pamahalaan?

Bagama't naaayon sa batas ang ginawa ni Mayor Lim, hindi naman ito naayon sa Batas ng Diyos na tumulong sa kapwa. 

Ipinag-utos ng pamahalaang lungsod ng Maynila na ipagbawal na ang mga kuliglig dahil sa iba't ibang dahilan. Una ay kaliwa't kanan na raw ang natatanggap nilang reklamo mula sa mga mamamayan tungkol sa mga bastos at balasubas na drayber ng kuliglig na nagka-counter flow sa mga lansangan. Ikalawa ay lumalabag daw sila sa clean air act ang motor na ginagamit sa kuliglig. Ito raw ang nagtulak sa pamahalaan na ipalabas ang kautusan. Hindi naman daw nila tinatanggalan ng hanapbuhay ang mga drayber ng kuliglig. Tanggalin lang daw ang mator at ayos na ang lahat.

Kung iisipin, mali ang ginawa nila Mayor Lim. Una, kung kaliwa't kanan ang natatanggap nilang mga reklamo tungkol sa mga bastos na drayber ng kulilig na mahilig magcounter-flow, di ba mas mainam kung binigyan na lang ang mga drayber ng seminar tungkol sa road safety? Syempre karamihan sa mga drayber ng kuliglig ay hindi nakapag-aral kaya karamihan din sa kanila ay bastos sa lansangan. Hindi rin ba mas maganda kung binigyan na lang din sila ng lisensya at i-cover na rin sila ng LTFRB at LTO? Mas makakatulong din kung bukod sa pagbibigay ng road safety seminar ay bigyan din sila ng dress code at seminar sa personal hygiene. Ang kailangan lang naman ay maturuan sila at maipakita ang kahalagahan ng mga itinuturo sa kanila.

Hindi rin tama na gawin ng pamahalaan na dahilan ang paglabag ng mga kuliglig sa clean air act. Kung totoong mang ipinapatupad nila ang clean air act, bakit uunahin nila ang mga kuliglig? Bakit hindi nila unahin ang mga bus at dyip na nagmimistulang pusit tuwing nagbubuga ng maitim na usok. Bakit hindi nila unahin ang mga bangka na gumagamit ng parehong motor? At bakit hindi na lang nila tinulungan ang mga drayber ng kuliglig na gawing mas environment friendly ang mga kuliglig nila? Napakarami naman dyang imbensyong Pinoy at dayuhan na kapag ikinabit sa sasakyan ay nagiging malinis na ang usok na lumalabas sa tambutso. Ang mga ito na lang sana ang ginawa nila sa halip na ipinagbawal ang mga kuliglig sa mga kalsada.
Kalokohan din ang sinasabi nila na hindi nila tinatanggalan ng hanapbuhay ang mga drayber. Ang gusto lang daw nila ay tanggalin lang daw ang mator at ayos na ang lahat. Aba, paano naman yung mga nasa kwarenta anyos pataas na hindi na kayang magpadyak? Paano yung ilang mga pilay na drayber na hindi na kayang mamisekleta? Hindi ba sila tinanggalan ng hanapbuhay? Bukod pa rito, mas magiging kaunti na rin ang tatangkilik sa mga padyak dahil sa makupad ito. Mas pagod din ang mga drayber. Hindi ba sila tinatanggalan ng hanapbuhay ng pamahalaan?

Bakit naman kaya atat na atat ang pamahalaan na ipagbawal ang mga kuliglig sa lansangan? Siguro kasi wala silang buwis na kinikita mula sa mga drayber ng kuliglig. Siguro kasi wala nang mga alagang holdaper ang mga pulis na pawang naging mararangal na drayber ng kulilig. 

Tulad ng jeepney, ang kuliglig ay isang uri ng sasakyan na kakaiba at malamang ay sa atin lang makikita. Dito makikita ang pagiging malikhain ng mga Pinoy. Sa halagang 30,000 piso nga ay maari ka nang makabili ng kuliglig at makapaghanapbuhay. Ito ay naging bahagi na ng ating kultura.Hindi dapat ito ipagbawal sa lansangan. Dapat nga ay tulungan pa ng pamahalaan ang mga drayber upang maging mas maayos pa ang mga kuliglig. 

Malayo pa ang mararating ng kuliglig. Maaari pa nga itong maging sasakyan sa hinaharap tulad ng konsepto ni ehnriko disegno sa makabagong kuliglig (http://www.youtube.com/watch?v=Fl7sOM4cYJk&feature=related). Ang pagbabawal dito ay di makakatulong. Sa halip na ipagbawal ito ay dapat maghanap ng paraan ang pamahalaan kung paano matutulungan ang mga drayber ng kuliglig.

Sunday, November 28, 2010

Tumaya ka na ba?

Kung hindi pa, sayang naman ang pagkakataon mong manalo ng 700 milyong piso. Oo aabot na ng 738 milyong piso ang papremyo sa 6/55 Lotto sa susunod na bola nito sa Lunes. (http://www.gmanews.tv/story/207066/still-no-winner-of-over-p600-million-grand-lotto-pot). At dahil nga dito napakahaba na ng pila sa halos lahat ng lotto outlet ngayon.

Kung hindi ka pa tumataya sa 6/55 at nagtataka ka kung bakit ganoon ang tawag dito ay nararapat lamang na malaman mo na. Tinawag itong 6/55 dahil kailangan mong mag-isip ng anim na numero upang ikaw ay makataya. Ang mga numero dapat ay hanggang 55. Napakaliit ang tsansa na manalo sa 6/55 dahil sa kabuuan ay mayroong 28,989,675  na posibleng kombinasyon na maaaring pagpilian (http://rico.mossesgeld.com/2010/11/what-are-your-chances-of-winning-the-655-lotto/). Kaya naman hindi kataka-taka na lumagpas na ngayon sa 700 M ang jackpot dahil nadadagdagan ito tuwing walang nakakakuha ng winning combination.

Nasindak ka ba sa liit ng tsansa mong manalo sa 6/55? Bakit hindi mo subukan ang Jueteng?  Halos katulad lang din naman sa 6/55 ang paraan ng pagtaya rito pero mas madaling manalo. Tulad ng lotto, kailangan mo ring mag-isip ng numero upang makataya pero dalawang numero lang ang dapat mong isipin. Ang mga numero ay hanggang 37 din lamang kaya mas malaki ang tsansang manalo. Kadalasan ang operasyon ng Jueteng ay nasa lokal na lebel lamang kaya hindi umaabot ng milyon-milyon ang jackpot nito.

Napakalaki nga ng pagkakatulad ng Jueteng at Lotto kaya hindi ko pa rin maisip kung bakit ginagawang ilegal ang Jueteng at ligal ang loto. Pareho lang naman silang sugal na nangangailangan ng tao. Pareho lang naman silang tinatangkilik ng masa. Pareho namang bahagi lang ng kabuuang pera ang ginagawang papremyo. Kaya bakit nananatiling ilegal ang Jueteng?

Sabi ng iba, iba daw ang lotto kasi nakakatulong daw sa mahihirap. E paano naman kung ang isang Jueteng Lord ay tumutulong din sa mahihirap? May monopolyo na ba ngayon sa pagtulong sa kapwa ang PCSO?  Hindi ba nakakatulong pa nga ang mga Jueteng Lord dahil binabayaran din nila ang kanilang mga kobrador at kabo?

Ito pa ang mas nakapagtataka. Upang sugpuin ang Jueteng ay nagtayo ng mga Small Town Lottery ang pamahalaan. Susugpuin ng sugal ang kapwa sugal? Ano  ba naman yan?

O baka naman kaya ayaw nilang gawing ligal ang Jueteng dahil may ilang nakikinabang. Kasi nga naman kapag ginawang ligal naang Jueteng ay wala nang lagay kay Mayor, Governor at Provincial Director. Mawawala na siguro ang milyon-milyon nilang natatanggap kada buwan.

Dapat ay maging malinaw na ang pamahalaan sa mga plano nito. Ipagbabawal ba talaga ang sugal o hindi? Kung bawal, dapat bawal talaga. Walang exceptions.Walang double standards.

Sa ngayon, nananatiling malabo pa rin sa akin kung bakit ilegal ang Jueteng at ligal ang sugal na pinatatakbo ng pamahalaan. Kasinglabo ng pag-asa ko na manalo sa 6/55.

Saturday, November 27, 2010

Ang Strike laban sa "Budget Cut (daw)"


Nitong mga nakaraang araw (Nobyembre 25-26) ay bumandera sa ating mga telebisyon ang welga at strike ng mga mag-aaral at mga guro sa iba't ibang pampublikong kolehiyo. Ipinaglalaban daw nila ang ang pagbibigay ng pamahalaan ng mas mataas na budget para sa mga state colleges and universities. Pinangunahan ang strike ng mga mag-aaral ng UP Diliman, UP Manila pati na ng PUP. Sa UP Manila pa nga lang, humigit kumulang sa 2000 mag-aaral daw ang sumama sa strike kaya naman kakaunti lamang ang nagkaroon ng klase.

Pero kung susuriin natin, may katwiran nga ba ang pinaglalaban ng mga estudyante na sumali sa strike?  Kung babasahin ang opisyal na pahayag ng Palasyo (http://www.gov.ph/2010/10/19/statement-of-president-aquino-in-response-to-queries-about-the-budget-of-state-universities-and-colleges/), masasabing hindi naman talaga binawasan ang budget ng edukasyon. Sa katunayan, mula 240 B ay naging 270 B pa nga ito ngayon. Ang pinagkaiba nga lang ay pinagtuunan ng pansin ng palasyo ang Basic Education (Elementarya at High School) sa halip na sa Tertiary. Marahil ito ay makatwiran lamang sapagkat hindi naman tayo makakatungtong ng kolehiyo kung hindi tayo dumaan sa elementarya at high school. Kung may uunahin nga naman, dapat unahin ang elementarya at high school. Sabi nga ni PNoy, "Ang basic education ay dapat libre para sa lahat, kaya malaki ang budget na idinagdag natin sa DepEd. Sa pamamagitan nito, masisigurong mabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makapag-aral."

Isa pa ay hindi naman talaga bumaba ang budget ng mga SUCs. Sa katotohanan ay tumaas nga ito at naging 23.4 B mula sa 21 B. Hindi lang talaga naaprubahan ang proposed budget ng mga SUCs pero kahit papaano ay dinagdagan pa rin naman ito ng pamahalaan.

Kung mayroon mang binawasan ng budget ng medyo malaki, ito ay ang Unibersidad ng Pilipinas at ito ay nararapat lamang dahil sa maraming dahilan. Una, higit sa 6 B ang nakalaan na pondo sa UP nitong nakaraang taon at ito ay napakalaking bahagi ng kabuuang budget ng mga SUCs kaya naman nararapat lamang na bawasan nito. Kung paghahambingin natin, ang PUP na may 60000+ na estudyante ay may 600M na budget habang ang UP naman na may 10000+ lamang na estudyante ay may budget na 5B. Ibig sabihin halos 500,000 piso ang nilalaan ng pamahalaan sa kada mag-aaral sa UP. Hindi pa ba ito sapat?

Ikalawa, bukod sa budget ay marami pang pinagkukunan ng pera ang UP. Sumisingil ito ng higit sa 20,000 pesos sa bawat mag-aaral na nasa Bracket B. Bukod pa ito sa mayayaman na nagbabayad nang higit sa 30,000 pesos kada semestre na nasa Bracket A. Kumikita rin ang UP sa iba't ibang (Income Generating Projects (IGP) tulad ng Ayala TechnoHub at iba pang establishimyento sa Diliman. Bukod pa rito ay tumatanggap din ito ng malaking halaga mula sa mga alumni nito. Ang pinagsama-samang halaga nito kung iisipin ay dapat sapat na upang mapatakbo ang UP ng wasto. Mukhang hindi nga budget ang problema sa UP kundi kung saan talaga napupunta ang budget.

Ikatlo, hindi ata maktwiran na malaking budget ang binibigay sa isang unibersidad tulad ng UP kung saan napakarami ang mga mayayaman na may sariling condo at mga kotse.kung papipiliin nga ay mas mainam pa na mapunta sa mga provincial state universities pati na sa PUP ang mas mataas na budget kaysa sa UP

Ikaapat, hindi rin makatwiran ang hinihinging 18B na budget na hinihingi ng Pamunuan ng UP dahil sobrang laki nito para sa isang pamantasan.

Tulad ng larawan sa taas, mukhang hindi na nga makakita sa Oblation. Hindi na niya alam kung paano maging Iskolar para sa Bayan. Mukhang nagiging ganid at makasarili na siya.  


Hindi rin makatwiran ang argumento ng mga nag-strike na imbes na maglaan ng bilyong-bilyong piso para sa conditional cash transfer ay ibigay na lang ito sa mga pamantasan tulad ng UP. Mahalaga ang conditional cash transfer lalo na sa mga mahihirap sapagkat ito ay kailangan nila upang maitawid ang pang-araw araw hanggang sa makatapos na ang mga anak nila at makaginhawa sa buhay nila.

Sa mga nagsasabi naman na dapat turuan ang mga mahihirap na mangisda at hindi na lang basta-basta bigyan ng isda, ito lang ang masasabi ko. Paano mo matuturuan ang isang tao na mangisda kung gutom siya ngayon? Matututo kaya siya? Dapat mapunan muna ang kanyang gutom pansamantala upang matutong mangisda.Hindi dapat alisan ng panawid gutom ang mga mahihirap. 


Kung mayroon mang dapat tapyasan ng pondo, ito ay ang naglalakihang pork barrel ng mga ganid na mambabatas na ang ilang ay nagtapos din naman sa UP. 


Karapat dapat lamang ang mas mataas na budget sa mga provincial state universities at iba pang pamantasan kung saan maraming mahihirap ang nag-aaral pero hindi para sa Up. 

Para sa mga kapwa kong Iskolar ng Bayan, sa mga pagkakataong tulad nito, dapat matuto ang tayo na pagkasyahin ang ating pondo. Dapat ay matiyak natin na napupunta ang pondo sa dapat nitong kapuntahan. Mukhang maling pangulo ang pinagbabalingan natin ng galit. Mukhang ang dapat nating harapin ay ang pangulo na nasa Quezon Hall.


Kayo mga kapwa mapanuring Pinoy, ano ang opinyon mo sa isyung ito? 


Maligayang Bati sa Mapanuring Pinoy

Huwag Magpahuli. Maging Mapanuri.


Maligayang Bati!  Tuloy ka rito sa Mapanuring Pinoy.


Ang Mapanuring Pinoy ay isang blog na aking nilikha kung saan maihahayag ko ang aking mga opinyon at kuro-kuro tungkol sa iba't ibang isyu na nagaganap sa ating bansa. Bagama't ito ay isang personal na blog, ito ay bukas sa lahat, lalo na para sa mga opinyon ng kapwa kong  mapanuring Pilipino. Dito ay tatalakayin natin ang iba't ibang mga pangyayari sa bansa natin ngayon.


Bukod sa mga opinyon at kuro-kuro, maglalaman din ito ng iba't ibang kaalaman na maaring makatulong sa ating pang-araw araw na buhay.


Sama-sama nating gisingin ang kamalayang Pilipino. Huwag tayo magpahuli. Laging maging mapanuri