Kasabay ng pagsalubong sa bagong taon ay ang pagsalubong ng mga mananakay ng tren sa Metro Manila sa napipintong pagtataas ng pamasahe sa LRT.
Kamakailan lang ay lumabas ang balita na balak nang taasan ang pamasahe sa LRT upang mabawasan ang gingastos ng pamahalaan sa subsidy sa LRT. Ayon sa DOTC, gagawin nang 30 pesos mula 12 pesos ang minimum fare sa LRT. (http://www.abs-cbnnews.com/video/business/12/27/10/lrt-fare-hike-looms-early-2011)
Sa aking palagay, nararapat lang na itaas na ang pamasahe sa LRT dahil sa ilang kadahilanan.
Una, hindi ito patas para sa mga drayber ng mga jip at bus. Malaki kasi ang kawalan nila sa kasalukuyang kaayusan. Isipin natin, ang train system sa Metro Manila ay tinutustusan ng gobyerno. Mas mabilis at ligtas din ito. Sino pa nga naman ang sasakay sa mga bus at jip na mas mabagal at mas mahal (lalo na pagdating sa mga malalayong distansya). Di tulad ng tren, hindi sila tinutustusan o sinasubsidize ng pamahalaan. Lumalabas na kinukumpetensya pa ng mga tren ang mga bus at jip at may malaking bentahe ang tren dahil ito ay mas mabilis, mas ligtas at subsidized pa ng pamahalaan
Ikalawa, hindi ito patas sa mga taga lalawigan pati na sa iba pang lungsod tulad ng Davao at Baguio. Tandaan natin na ang ipinangsa-subsidize ngayon sa mga tren ay nanggagaling sa buwis na binabayaran ng lahat ng mga Pinoy. Hindi ito patas sa iba sapagkat tanging mga taga-Metro Manila lamang ang nakikinabang dito kahit na ang ipinangtutustos dito ay galing sa buwis ng mga Pinoy pati na yung hindi nakatira sa Metro Manila. Kung balak mang i-subsidize ng pamahalaan ang mga tren, dapat ay palawakin muna ang sistema ng tren upang mas maraming Pinoy ang makinabang dito at mas maging katanggap-tanggap ang subsidy na ibinibigay ng pamahalaan.
Napakalaki rin ng lugi ng pamahalaan sa pagsa-subsidize sa mga tren. Bagama’t hindi layunin ng isang pamahalaan na tumubo, mali rin naman ata ang gumasta ng todo para sa isang bagay na pawang mga taga-Metro Manila lamang ang nakikinabang.
Maiihalintulad natin ang kaso na ito sa mga illegal settlers na pinapaalis ng MMDA. Kung ang mga illegal settlers ay matagal nang nakikinabang sa lupa na hindi naman sa kanila, ang mga parokyano naman ng tren ay matagal nang nakikinabang sa subsidy ng pamahalaan. Kung nagreklamo ang mga illegal settlers dahil sa pagpapaalis sa kanila sa halip na magpasalamat dahil matagal na silang nakinabang, nagrereklamo rin ngayon ang mananakay ng tren. Bakit hindi na lang tayo matuwa na matagal na tayong nakinabang sa mababang pamasahe? Kung ikukumpara nga natin sa ibang bansa, napakababa ng 15 pesos na pamasahe sa tren. Sa palagay ko, oras na para bayaran natin ang nararapat na pamasahe.
Pero kung babawasan ang subsidy sa mga tren at tataasan ang pamasahe, dapat ay mas gumanda ang serbisyo sa mga ito. Sa ngayon kasi ay sobra-sobrang siksikan sa mga tren. Madalas din ay matagal ang pagdating ng mga tren kaya naiipon ang mga pasahero. Kulang din ang kagamitan ng maraming istasyon tulad na lamang ng mga X-Ray Machine. Hindi ba nakakinis kapag may dala kang regalo na pilit na pabubuksan ng mga sikyo dahil alang X-Ray Machine. Hindi rin maikakaila na ang ilang train coaches lalo na yung sa LRT 1 ay ginagamit pa rin kahit halatang luma na ang mga ito. Masasabing may kakulangan din sa bilang ng mga sikyo. Ang mga bagay na ito ay dapat maaksyonan kung sakali mang itataas ang pamasahe.
Bukod pa rito, dapat matiyak na ang pondong matitipid ng pamahalaan ay may magandang kapupuntuhan at hindi lamang mapupunta sa pork barrel ng mga mambabatas (na karamihan ay ginagasta sa mga proyekto kung saan may komisyon si congressman), pangit na tagline ng DOT at iba-iba pang pinagkakagastusan na wala namang katuturan. Mahirap kasing tanggapin na magbabayad tayo ng mas mataas na pamasahe upang mabigyan ng mas malaking pork barrel si congressman.
Dapat din ay iwasan na ng pamahalaan ang pagpasok sa mga public-private partnership tulad ng pinasok ng pamahalaan sa pagpapagawa ng mga tren. Di hamak sana na mas mababa ang pamasahe kaysa sa ipinapanukalang 30 pesos kung pamahalaan ang gumastos ang nagtayo nito. Hindi na kasi isasama sa pamasahe ang tubo na inaasahan ng mga investor mula sa pera nilang pinagkaloob. Bagama’t nagagawang makapagpatayo ng mas maraming proyekto, mas mahal naman ang binabayaran ng mga Pinoy na gumagamit nito dahil pinapatungan ito ng mga investors Ganito rin ang dahilan kung bakit napakamahal din ng toll fee sa iba’t ibang expressway sa bansa
Sa kabuuan,bagama't marami ang maapektuhan (lalo na ang mga working at middle class) , nararapat lamang na taasan ang pamasahe sa LRT tulad ng iminumungkahi ng DOTC.
Ikaw, Mapanuring Pinoy, sa palagay mo ba nararapat nang itaas ang pamasahe sa LRT? Sumali na rin sa ating poll
Ikaw, Mapanuring Pinoy, sa palagay mo ba nararapat nang itaas ang pamasahe sa LRT? Sumali na rin sa ating poll