Sunday, May 29, 2011

RH Bill: Food Supplement para sa Sakit ni Juan


Ang RH Bill: The Grand Debate ay ilan la-
mang sa mga debate tungkol sa RH Bill
Nananatiling isang napakainit nausapin ang RH Bill. Patuloy pa rin ang mga debate tungkol sa isyung ito tulad na lamang ng RH Bill: The Grand Debate na ipinalabas ng GMA News TV at ng debate sa kamara kung saan nagtatalo pa rin ang mga mambabatas kung nararapat nga bang ipasa ang batas na ito. Hindi rin matapos tapos ang mga sagutan, patutsadahan at parinigan ng mga Pro at Anti RH Bill. Napabalita pa nga na gagawing excommunicado ang mga nagsusulong nito at handa raw ang Simbahang Katoliko na magpatawag ng civil disobedience kung sakaling maipasa ang RH Bill (http://www.batangastoday.com/catholic-church-may-call-for-%E2%80%98civil disobedience%E2%80% 99-to-rh-bill-supporters/3849/). Samantala sumagot naman ang pamahalaan at nagsabing may kakaharapin na kaso ang sinomang magsasagawa ng civil disobedience.

Isa ako sa mga naniniwala na napapanahon nang maipasa ang isang batas tulad ng RH Bill na naglalayong makontrol ang populasyon ng ating bansa.

Mahirap buhayin ang malaking pamilya
Hindi maikakaila na sadyang napakalaki ang populasyon ng ating bansa na umaabot na sa 97,976,603 (CIA World Factbook, 2009). Sa katunayan, tayo ay pang-labindalawa na sa mga bansang may pinakamalaking populasyon. Sa labindalawang bansang ito, tanging Bangladesh at Pilipinas lamang ag maliit na bansa kung pagbabatayan ang lawak ng teritoryo. (http://www.indexmundi.com/g/r.aspx).

Malaki ang kaugnayan ng populasyon sa ekonomiya at kaunlaran ng isang bansa.Kapag sobrang dami ang tao at hindi naman masigla ang ekonomiya, asahan na na marami ang walang trabaho o kung hindi naman ay underemployed. Marami rin ang kailangang pakainin ng pamahalaan. Wala nang mas gaganda pang halimbawa kaysa sa isang malaking pamilya. Mas malaki ang gastusin kung maraming anak dahil marami ang pakakainin, bibihisan, paaaralin at aalagaan. Kung pareho lamang ang kinikita ng dalawang pamilya at ceteris paribus, siguradong mas maginhawa ang buhay ng maliit na pamilya kaysa sa malaking pamilya.

 Sa kaso ng Pilipinas, ang karamihan ng mga Pilipino ay kabilang sa mga mahihirap. Kapansin pansin din na ordinaryo na sa mga depressed area ang malalaking pamilya (na minsan ay umaabot ng 10 pataas) habang bihira naman sa mga middle class at mayayamang mga pamilya ang may maraming anak sa kasalukuyang panahon.

Bakit ito nangyayari?

Maihahalintulad sa isang siklo ang kahirapan at ang mataas na populasyon sa ating bansa.Marami ang maagang nabubuntis dahil wala namang sapat at wastong kaalaman ang kabataan tungkol sa pagtatalik at responsibilidad na kaakibat nito (Kulang ang kanilang kaalaman dahil wala namang matinong sex education sa paaralan at nag-aalangan din ang mga magulang na ituro ito sa kanilang mga anak). Kadalasan kapag nabuntis ang babae ay napipilitan siyang huminto sa pag-aaral (lalo na kapag hindi naman galing sa mayamang pamilya ang babae). Napipilitan din ang batang ama na huminto sa pag-aaral upang maghanapbuhay at may maipakain sa kanyang magiging pamilya. Dahil hindi nakatapos, mga pang minimum wage na trabaho lamang ang mahanap nila at minsan pa nga ay below minimum wage pa. Dahil wala pa ring sapat na kaalaman at disiplina sa pagtatalik ang mag-asawa ay malaki ang tsansa na dumami ang kanilang anak. Masasadlak ang pamilya nila sa kahirapan dahil hindi sapat ang minimum wage para buhayin ang isang malaking pamilya. Dahil magastos ang magpaaral, maaaring isa na lamang sa kanilang mga anak ang mapatuntong nila ng kolehiyo habang ang iba naman ay maagang magtatrabaho upang makatulong sa magulang. Sa kasamaang palad, hindi rin malayo na mabuntis o makabuntis ang pinapaaral nilang anak dahil sa uri ng lugar na kanilang ginagalawan. Dahil sa kakulangan sa edukasyon, maaaring magaya rin ang kapalaran ng mga anak sa kanilang mga magulang. Dito nagpapatuloy ang siklo ng kahirapan at malaking populasyon sa ating bansa.
Mga contraceptive

Paano mapuputol ang siklo na ito?

Maaaring unti-unting maputol ang siklo na ito kung mayroong sapat na kaalaman ang kabataan tungkol sa responsibilidad na kaakibat ng pagtatalik at kung may access lamang ang mga mahihirap sa mga family planning method at contraceptives. Dito pumapasok ang RH Bill. Layunin ng RH Bill na maituro sa kabataan ang responsibilidad na kaakibat ng pagtatalik sa papamagitan ng sex education. Layunin din nito na magpamigay ng mga contraceptive na bagama’t available na kahit saan ay hindi naman accessible sa mga mahihirap. 


Mahihirap ang kadalasang nag
pupunta sa mga health station
Ang una nating tinalakay ay sa aspektong microeconomics pa lamang. Kung pag-uusapan ang pangkalahatang ekonomiya, napakalaking pasanin ng pamahalaan ang napakaraming mahihirap (na kadalasang may malalaking pamilya) sa ating bansa. Bukod sa katiwalian, sa mga mahihirap napupunta ang malaking bahagi ng pondo ng pamahalaan. Sa pambansang badyet lamang para sa 2011, Php 21 Billion ang inilaan sa “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” ng pamahalaan. Sila rin ang pangunahing nakikinabang sa iba pang subsidy tulad na lamang ng Pantawid Pasada Program atbp. Ang mga mahihirap din  ang suki ng mga barangay health station, pampublikong ospital, housing projects, public attorney’s office, pampublikong paaralan at iba pang institusyon na nagkakaloob ng serbisyong panlipunan. Karamihan din sa mga snatcher at holdaper sa pinakakain natin sa mga kulungan ay mahihirap.



Saan kinukuha ang pangtustos sa mga serbisyong panlipunan ng pamahalaan na pinakikinabangan ng mga mahihirap? Saan pa edi sa buwis na binabayaran mo at ng magulang mo. Oo tama, imbes na ikaw ang makinabang sa buwis na binabayaran ninyo ay pinakikinabangan lamang ito ng mga mahihirap. Kaya naman sa pagkakataon na kailangan mo ng serbisyong panlipunan mula sa pamahalaan (tulad ng libreng bakuna sa mga sakit) ay wala nang maibibigay sa iyo ang mga barangay health station dahil inubos na ng mga mahihirap (na kadalasang hindi naman nagbabayad ng buwis) ang mga bakuna. Samakatuwid matagal na nating sinusustentuhan ang mga mahihirap. Lumalabas din na tayong mga ordinaryong Pilipino ang malaking stakeholder dito at hindi ang Simbahang Katoliko dahil unang-una ay pera natin ang pinanggagastos ng pamahalaan at hindi naman binubuwisan ang mga simbahan.

Nararapat lamang na makontrol ang populasyon upang mabawasan ang mahihirap at makinabang naman tayo mula sa buwis nating binabayaran at hindi laging mga mahihirap na lang ang nakikinabang dito.


Bagama’t masasabing isa ang RH Bill sa mga solusyon upang wakasan ang kahirapan, hindi naman ito isang magic pill na kapag naipasa ngayon ay biglaang mawawala ang kahirapan. Maiihalintulad ang RH Bill sa isang food supplement laban sa diabetes. Tulad ng isang food supplement na kailangan ng balanced diet at proper exercise para maging mabisa, magiging mabisa lamang ang RH Bill sa pagsugpo sa kahirapan kung kaakibat nito ang paglaban sa katiwalian, dekalidad na edukasyon sa mga Pilipino, matalinong pamumuno, pagpapayabong ng research and development at pakikipagkumpetensya ng mga Pinoy sa mga multi-national companies. Tulad din ng isang food supplement, hindi rin agarang mararamdaman ang epekto ng RH Bill. Nangangailangan muna ito ng ilang dekada bago ito maramdaman. Subalit sulit naman ang paghihintay dahil tiyak na makikinabang ang mga susunod na henerasyon. Hindi lang kasi dapat kasalukuyan ang iniisip natin. Dapat ay pagplanuhan na rin natin kung ano ang nais nating mangyari sa ating bansa ilang dekada mula ngayon.

Sa mga ganitong kadahilanan ay naniniwala akong nararapat na ngang maipasa ang RH Bill.

Isa sa mga argumento ng mga anti- RH Bill ay hindi naman talaga problema ang populasyon sa ating bansa. Kung tutuusin nga raw isa raw itong yaman ng ating bansa. Kasayangan lang daw sa pondo ng pamahalaan kung kokontrolin ang populasyon.

Oo, isa naman talagang yaman ng bansa ang yamang tao. Pero maiihalintulad natin ang yamang tao sa langis. Ano ang silbi ng isang timba na langis kung wala ka namang sasakyan na paggagamitan nito? Aba, baka makasunog pa ito ng bahay mo. Sa parehong paraan, ano ang gagawin natin sa napakaraming Pinoy kung wala naman tayong kakayahan na linangin ang kanilang mga kakayahan, kung wala naman tayong trabaho na maibibigay sa kanila? Siguro maaari nga naman nating ibenta ang langis sa ibang bansa na nangangailangan nito. Oo, tama. Puwede nga naman nating ibenta ang langis sa ibang bansa at puwede rin naman nating ibenta ang mga Pinoy sa ibang bansa upang magtrabaho bilang mga OFW o kung hindi naman ay mga drug mule. Nakakalungkot isipin na mga kababayan natin ang pinakamalaki nating ini-export na produkto sa ibang bansa. Napakasigla rin industriya ng human trafficking sa ating bansa. Bakit ito nangyayari? Siguro wala na silang mahanap na trabaho sa ating bansa dahil sa sobrang dami ng Pinoy. 

Pero bakit naman ang Tsina, Indonesia, Brazil at India? Malaki ang kanilang populasyon pero masigla ang ekonomiya nila?

OFWs: Pinakamalaking export ng bansa
Kung titingnan natin ang mga bansang ito, lahat ay pawang malalaking bansa. Isa pa, bagama’t masigla ang kanilang ekonomiya, mapapansin naman nating mababa ang per capita income ng mga bansang ito. Ibig sabihin kung hahatiin nang pantay-pantay ang kabuuang yaman ng bansa sa lahat ng mga mamamayan, lalabas na maliit lang na halaga ang matatanggap ng bawat isa. Kapansin-pansin din na sa mga bansang tulad ng Brazil at Indonesia, ang malaking bahagi ng yaman ay nakasentro lamang sa mga upper class.

Matindi rin ang pagtutol ng Simbahang Katoliko pati na ng mga Anti-RH Bill sa nasabing batas dahil hinihikayat daw nito ang aborsyon at labag ito sa konstitusyon.

Sa pangkalahtan, walang nilalabag sa konstitusyon ang RH Bill. Taliwas sa sinasabi ng mga kontra sa RH Bill, hindi naman pinapatay ng mga contraceptive ang sanggol. Sa paggamit kasi ng contraceptives tulad ng condom, iniiwasan ang pagtatagpo ng egg cell at sperm cell kaya walang fertilization o conception na nagaganap (Ayon sa Philippine Medical Association, ang buhay ay nag-uumpisa kapag nagkaroon ng fertilization o kapag nagtagpo na ang egg cell at sperm cell).


Wala ring batayan ang argumento ng iba na sa pamamagitan ng paggamit ng contraceptives ay pumapatay tayo ng buhay indirectly sapagkat hindi natin binibigyan ng pagkakataon na magkatagpo ang egg cell at sperm cell.Tuwing nagkakaroon ng ejaculation ang lalake ay milyon-miyong sperm cell ang inilalabas ng kanyang katawan. Sa milyong sperm cell na ito ay isa lamang ang pwedeng makatagpo ng egg cell upang maging zygote. Ibig sabihin kahit hindi tayo gumamit ng contraceptive ay napakaraming sperm cell ang namamamtay. Sa mismong pagjajakol nga ay napakaraming sperm cell din ang namamatay at paniguradong                                                    kakaunting lalake lamang ang hindi nakagawa nito.

Hindi rin tungkulin ng simbahan ang magdikta. Ang tungkulin ng simbahan ay mangaral. Ang RH Bill ay isang batas na nagbibigay sa mga mahihirap ng access sa contraceptives. Kung kontra ang simbahang katoliko sa paggamit ng contraceptives ay maaaring mangaral na lamang ito sa pulpito. Kung naging mahusay ang kanilang pangangaral at kung naniniwala sa kanila ang mga Pinoy hindi naman gagamit ang mga Pilipino ng mga condom kahit na bigyan sila ng pamahalaan. Maaari pa ngang maging sukatan ang RH Bill kung naging matagumpay ba ang simbahan sa pangangaral nito laban sa paggamit ng artificial contraceptives.

    Ayon din sa mga sarbey, higit na nakararaming mga Pilipino ang gustong maipasa ang RH Bill at sa isang bansang demokratiko, nararapat lamang na mapakinggan ang tinig ng nakararami.
Reproductive Health Bill Survey
Resulta ng survey ng Pulse Asia tungkol sa RH Bill
     Bagama’t matindi ang pagsang-ayon ko sa RH Bill, may mga ilan namang isyu rito na dapat pagtuunan ng pansin. Una, tulad ng sinabi ng isang doctor na kontra sa RH Bill, may ilang artificial contraceptives na abortifacient o nakakapagpalaglag tulad ng IUD. Dapat ay suriin ang lahat ng klase ng mga artificial contraceptive na ipamimigay ng pamahalaan at siguruhing wala rito ang abortifacient. Marami namang contraceptive tulad ng condom ang hindi abortifacient. Ikalawa, dapat ding tutukan kung ano-anong mga kompanya ang makikinabang sa RH Bill. Malaki rin kasi ang tsansa na mga multinational company lamang na nagbebenta ng contraceptives ang nagtutulak ng RH Bill upang sila ang makakakuha ng kontrata  nito. Iwasan dapat hangga’t maiiwasan ang pagkuha sa mga multi-national company bilang panggagalingan ng mga contraceptive na ipamimigay ng pamahalaan. Mas mainam kung mga kompanya na pag-mamayari ng mga Pinoy ang makakuha ng kontrata nito upang mas malaki ang pakinabang sa ating ekonomiya. Kung matutugunan ang mga isyu na ito at iba pang mga pinupunto ng mga kontra sa RH Bill ay wala nang hadlang para ito ay maipasa.

    Napapanahon nang maipasa ang RH Bill. Malaki ang maitutulong nito upang unti-unting mawakasan ang kahirapan at mapaunlad ang ating bansa. Ang RH Bill ay isang food supplement na kailangan ni Juan dela Cruz upang labanan ang sakit niyang kahirapan. Kung sasabayan ni Juan dela Cruz ang RH Bill ng paglaban sa katiwalian, dekalidad na edukasyon sa mga Pilipino, matalinong pamumuno, pagpapayabong ng research and development at pakikipagkumpetensya ng mga Pinoy sa mga multi-national companies, tiyak na masusugpo ang sakit niyang kung tawagin ay kahirapan. No approved therapeutic claims 

Saturday, April 9, 2011

Survey Results: Ang Pagbitay sa 3 Pinoy at Parusang Bitay

            Sa pagsasara ng ating survey, lumalabas na maraming mapanuring pinoy (18) ang naniniwala na ang mismong 3 Pinoy rin na binitay sa Tsina ang may kasalanan sa kanilang kinahinatnan. Mayroon ding mga naniniwala (5) na ang mga immigration official na nagpalusot sa dalang droga ng mga  drug mule ang dapat sisihin. Nagkakaisa rin ang mga lumahok sa ating survey na hindi dapat sisihin ang pamahalaan ng Tsina o ang pamahalaang pambansa ng Pilipinas.

             Sa kabilang banda, lumalabas na mas maraming mapanuring pinoy ang pabor sa paggagawad ng bitay sa mga kriminal sa ating bansa (19) kompara sa mga kontra rito (4). Maraming salamat sa paglahok sa ating talakayan at sa ating survey.


Friday, April 8, 2011

Araw ng Kagitingan, Huwag Kalimutan

Mga pinapahirapang Pilipino

Ika-9 ng Abril 2011, maraming mag-aaral ang nagdodota, gumagala o kaya naman ay nagpapahinga dahil bakasyon na. Sa kabilang dako, ang mga nanay at tatay ay nasa tahanan sapagkat walang pasok habang ang iba naman ay sinamantala ang double pay ngayong araw. Ika-9 ng Abril 2011, isang ordinaryong mainit na sabado. 69 na taon ang nakararaan, ang araw na ito ay malayo sa ordinaryo.

History 101. Noong 1942, sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naharap ang mga sundalong Pinoy at Amerikano na bumubuo sa United States Army Forces in the Far East (USAFFE) sa matinding sagupaan laban sa mga Hapon. Di-hamak na mas makabago at mas marami ang armas ng mga Hapon kaysa sa USAFFE. Mas marami rin ang                                                                                                                             suplay ng pagkain at iba pang kagamitan ng mga Hapon.

Gen. Douglas McArthur
 Matapos ang maraming buwan ay unti-unting nauubos ang mga bala at suplay ng USAFFE. Hindi naman dumating ang inaasahan nilang tulong mula sa Estados Unidos sapagkat ipinatupad ng Estados Unidos ang Europe First Policy kung saan uunahin muna nila ang labanan sa Europa bago pagtuunan ng pansin ang labanan sa Pasipiko. Tanging ang pangako na lamang ni McArthur na “I shall return” ang pinanghahawakan ng mga sundalo. Sa ganitong kaayusan, bagama’t ginawa ang lahat, ay unti-unting natalo ang USAFFE sa mga Hapon.

 Noong ika-9 na Abril, 1942, matapos ang mahabang labanan ay isinuko ni Major General Edward King ang Bataan  sa kamay ng mga Hapon kahit na ito ay labag sa kagustuhan nina Gen. Douglas McArthur at ni Gen. Jonathan Wainwright. Ang pagsuko ni Edward King sa libo-libong sundalo ng USAFFE sa Bataan ang naghudyat ng pagbagsak ng Bataan. 27 araw matapos bumagsak ang Bataan ay bumagsak naman ang isla ng Corregidor. Matapos nito ay naganap ang malagim na Death March kung saan libo-libong sundalong USAFFE ang naglakad putungo sa kanilang kamatayan.

Ang Death March
Tinawag na Araw ng Kagitingan (Day of Valour) ang ika-9 ng Abril, 1942 sapagkat dito naganap ang huling organisadong paglaban ng mga sundalong USAFFE sa Bataan. Bagama’t napilitang sumuko sa mga Hapon ay di maikakailang naipamalas ng mga USAFFE ang kanilang kagitingan.  Bilang pag-alala sa kagitingan ng mga nakipaglaban sa mga Hapon ay itinayo ang Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat, Bataan.

Napakahalaga sa kasaysayan ang pagbagsak ng Bataan sapagkat dahil sa ginawang pakikipaglaban ng USAFFE ay naantala ang planong pananakop ng mga Hapon sa iba pang bansa sa Asya at Pasipiko. Kung bumagsak kaagad ang Bataan ay malamang na mas napabilis at mas napalawak ang pananakop ng mga Hapon. Nagbigay din ito ng sapat na panahon sa Allies para makapaghanda sa mga sumunod na labanan tulad ng  Battle of the Coral Sea and the Battle of Midway. Higit sa lahat, pinatunayan ng mga Pinoy na hindi sila basta-basta sumusuko sa kalaban. Hindi lingid sa ating kaalaman na ang Pilipinas ang kahuli-hulihang bansa sa ating rehiyon na sumuko sa bansang Hapon.

Dambana ng Kagitingan, Mt. Samat, Bataan
Ngayon ay alam na natin kung ano, para saan at gaano kahalaga ang Araw ng Kagitingan. Hindi lamang ito isang ordinaryong Sabado o holiday na walang pasok. Ito ay ang araw na ginugunita natin ang kagitingan ng ating mga kababayan na nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang Daigdig.

Hindi dapat nating hayaang makalimutan ang Araw ng Kagitingan. Kaya naman bukod sa pagpapaghinga o pamamasyal ngayong araw, dapat ay gamitin natin ang araw na ito upang sariwain at gunitain ang kagitingan ng mga kababayan natin. Isang paraan lamang ang pagbabasa ng lathalain na ito upang sariwain at gunitain ang naganap sa Bataan 69 na taon na ang nakararaan.

Tuesday, April 5, 2011

Uto-uto ba ang mga Pilipino?

           Lumabas sa pinakabagong pag-aaral na isinagawa ng Harvard na ang mga Pilipino ang pinakamadaling maloko at utuin na mga tao sa buong mundo (Mosquito Press, 2011 [http://mosquitopress.net/post/3854901510/harvard-study-finds-that-filipinos-are-the-worlds-most]).Ayon pa sa nasabing ulat, ang ilan sa patunay na ang mga Pinoy ang pinakamadaling maloko at mautong mga tao ay ang mga sumusunod.

  • Paniniwala na bahagi ng Kristiyanismo ang pagtutuli
  • Paniniwala na nagkaroon ng sabwatan sa Battle of Manila Bay
  • Paniniwala na si Agapito Flores ang nakaimbento ng flourescent lamp
  • Paniniwala na si Eduardo San Juan ang nakaimbento ng Moon Buggy
           Sinasabing madali raw lokohin ang mga Pinoy sapagkat kadalasan ay hindi na nila sinisiyasat kung saan nanggaling ang mga impormasyon. Mabilis din na naniniwala ang mga Pinoy sa sinasabi ng ibang tao, ng media at ng mga nakikita sa internet.

Si Dante Guevarra, ang PUP President
             Nakakalungkot ang ulat na ito. Sadya nga bang madaling lokohin ang mga Pilipino?

            Naalala ko tuloy yung kumalat na text tungkol sa radiation kamakailan lamang. Bagama't hindi kapani-paniwala ang text at paulit-ulit na itong pinasisinungalingan ng pamahalaan, marami pa rin ang naniwala rito. Marami ang nagpanic, bumili ng betadine at gumawa ng koneksiyon ng tsunami sa katapusan ng mundo. Nakakalungkot din na mismong sa akademya, na inaasahang mapanuri at makakapagdesisyon ng matalino, ay may mga naniwala sa  text tungkol sa radiaton. Sinuspende ng PUP sa bisa ng utos ng kanilang pangulo na si Dante Guevarra ang klase dahil sa takot sa radiation. Bukod dito ay mayroon ding mga elementary school na nagsuspinde ng klase.

          Maski ang mga domestic helper na Pinoy sa Hong Kong ay nagmadaling bumili ng iodized salt sa paniniwalang maganda itong panlaban sa radiation.

            Sa kabilang dako, tuloy naman ang mga klase sa iba't ibang paaralan sa Tokyo na di hamak na mas malapit sa Fukushima kaysa sa Manila.

           Bukod dito ay marami pang pagkakataon na masasabing madaling maloko ang mga Pinoy. Nariyan ang mga text scam, pyramiding scam at iba pa.

              Sa tingin ko, siguro nga ay madaling maloko ang mga Pinoy.Isang dahilan siguro kung bakit madaling maniwala ang mga Pinoy ay ang kakulangan sa edukasyon. Mas madali kasing maloko ang mga hindi nakapag-aral kaysa sa mga nakapag-aral. Nakatitiyak ako na mas maraming mga tambay kaysa sa mga nasa akademya ang naniwala tungkol sa text sa radiation. 

Ang kumalat na text tungkol sa radiation
         Pero hindi lang antas ng edukasyon ang dahilan kung bakit madaling maloko ang mga Pinoy. Sa katunayan, marami ding mga nakapagtapos ang madaling maloko. Likas kasi sa atin ang mabilis magtiwala. Kapag may sinabi ang kaibigan natin o kapamilya natin, kadalasan ay pinaniniwalaan na natin to dahil may tiwala tayo sa kanila. Bukod sa mga kaibigan at kapamilya, madali rin tayong masilaw sa salapi kaya di kataka-taka na marami ang naloloko pagdating sa pera.Likas din ata sa mga Pinoy ang pagkahilig sa tsismis, showbiz man o hindi. Tiyak na tuwing may makikita kang mga nagkwekwentuhan ay hindi mawawala ang mga tsismisan. 

             Ang media rin na kinabibilangan ng radyo, telebisyon at dyaryo ay may parte rin sa pagiging madaling maloko ng mga Pinoy. Natural kasi sa mga Pinoy na maniwala sa kanilang nababasa, napapanood at naririnig sa media dahil ang pagkakaaalam nila ay totoo lahat ng sinasabi nila.

        Maaaring madali nga tayong lokohin at utuin paminsan-minsan at napatunayan na ito ng maraming pagkakataon. Kung naniwala ka sa ulat ng mosquito press na aking isinaad ay isa uli itong patunay na madali ngang maloko at maniwala ang mga Pinoy. Huwag kang mag-alala. Mayroon ding kolumnista na nabiktima ng nasabing ulat.

           Mga kapwa Pinoy, huwag dapat tayo basta maniwala sa kung ano-ano. Dapat ay alamin muna natin kung saan nanggaling ang impormasyon at kung may kredebilidad ba ito. Dapat ang Pinoy , hindi nagpapaloko Dapat ang Pinoy, mapanuri.

          Ikaw, naniniwala ka ba na madaling lokohin at utuin ang mga Pinoy? Bakit? Sumali na sa talakayan mga kapwa Mapanuring Pinoy.

Friday, April 1, 2011

Pakikiramay ng Mapanuring Pinoy sa Tatlong Pinoy na Binitay sa Tsina

Ang Tatlong Pinoy na Binitay
Nakikiramay ang Mapanuring Pinoy sa mga pamilya nina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain. Sila ang tatlong Pinoy na binitay sa Tsina nitong nakaraang Miyerkules, Marso 30, 2011 sa salang drug trafficking matapos silang mahulihan ng kilo-kilonggamot. Sila ay binitay sa pamamagitan ng lethal injection. Kung matatandaan, unang itinakda na ika-22 ng Pebrero dapat ang petsa ng pagbitay sa tatlo subalit ipinagpaliban ito matapos tumungo si Vice Pres. Binay sa Tsina.

Matapos ang pagbitay sa tatlong Pinoy ay naging mainit ang diskusyon kung sino ba ang may kasalanan sa pagkakabitay ng tatlong Pinoy. May mga nagsasabing ang pamahalaan ang nagpabaya. May mga nagsasabi ang pamahalaan ng Tsina ang may kasalanan sapagkat dapat ay hindi nila itinuloy ang pagbitay. Sa kabilang banda ay may mga pumupuna ring ang mismong mga binitay ang may kasalanan. Sino nga ba ang may kasalanan at may kapabayaan na nagdulot ng pagkakabitay sa tatlong Pinoy?
 
Hindi natin maaaring ibunton lahat ng sisi sa pambansang pamahalaan. Ito ay dahil ginawa naman nila ang kanilang makakakaya para mapababa ang sentensiya, kundi man mapawalang—sala, ang tatlong Pinoy. Kabi-kabila ang komunikasyon ng Malacañang pati na ng ni Vice Pres. Binay sa pamahalaan ng Tsina. Nagbunga naman ito at naiusod nga ng higit sa isang buwan ang pagbitay sa tatlo, isang bagay na ngayon pa lang ginawa ng mataas na korte ng Tsina. Sinusuportahan din sila ng embahada bagama’t hindi maikakaila na medyo naging mabagal ang pagtugon ng pamahalaan.

            Hindi rin dapat tayo magalit sa Tsina sapagkat ipinapatupad lamang nila ang kanilang batas. Hindi kasi maikakaila na malaking salot talaga ang mga ipinagbabawal na gamot sa lipunan kaya di katakatakang napakahigpit ng pamahalaan ng Tsina rito. Malamang ay naninibago lang  tayo sa Tsina sapagkat doon ay talagang ipinapatupad ng mabilis ang batas. Ito ay taliwas sa kaso ng Pilipinas kung saan kadalasan ay mabagal ang hustisya at nababayaran ang mga tagapagpatupad ng batas. Kung tutuusin nga, dapat ay hangaan at gawin pa natin ang pamahalaan ng Tsina pagdating sa pagpapatupad ng batas. Dapat din nating igalang ang batas sa Tsina sa parehong paraan na dapat igalang ng mga dayuhan ang batas sa ating bansa.
Kung sasabihin naman nating bakit hindi bitayin ang mga drug lord na Tsino sa Pilipinas, hindi rin ito puwedeng mangyari. Wala naman kasing bitay sa ating bansa, di tulad sa Tsina, at siguro naman ay hindi na ito problema ng pamahalaan ng Tsina. Hindi na rin siguro problema ng pamahalaan ng Tsina kung hindi maipatupad ng wasto ang mga batas, kung nababayaran ang tagapagpatupad ng batas at kung mabagal makamit ang hustisya sa Pilipinas.

Kung mayroon mang dapat sisihin, marahil ito ay ang mga immigration officials sa NAIA na nagpalusot ng kilo-kilong ipinagbabawal na gamot sa paliparan. Hindi naman kasi makakarating sa Tsina ang tatlong Pinoy na ito kung sa paliparan pa lang sa Pilipinas ay hinarang na sila ng mga awtoridad. Kataka-takang nakalusot ang kilo-kilong ipinagbabawal na gamot na ito gayong mahigpit naman ang pagsisiyasat na ginagawa ng mga awtoridad. Kung dito pa lang sana ay nahuli na sila, edi sana ay buhay pa sila ngayon bagama’t malamang ay nasa likuran din sila ng rehas.

May kasalanan din ang tatlong Pinoy na nagdulot ng pagbitay sa kanila. Dapat kasi ay naging mas maingat sila pagdating sa mga bagahe nilang dinadala. Dapat ay tiniyak nila kung ano-ano ang kanilang mga dala at kung may mga ipinagbabawal ba sa mga ito. Hindi rin dapat sila basta-basta tumatanggap ng mga bagaheng ipinadala ng ibang tao nang hindi nila inaalam kung ano ang laman nito.

Mahirap ding isipin na sa dami (at sa bigat) ng kanilang dalang ipinagbabawal na gamot ay walang alam ang tatlong Pinoy dito. Maaari tuloy nating isipin na alam nilang dala nila ang mga pinagbabawal na gamot at ginawa nila ito kapalit ng malaking halaga galing sa sindikato ng droga. Magkagayunman, hindi pa rin dapat nagpasilaw sa pera ang tatlong Pinoy. Marami naman kasing maaaring mapagkakitaan ng salapi na hindi ilegal.

Kung sino man ang totoong may kasalanan, hindi na ito gaanong mahalaga. Nangyari na ang pagbitay at hindi na maibabalik ang buhay ng tatlong Pinoy kahit na magsisihan pa ang lahat. Dapat ay mas pagtuunan natin ng pansin kung ano-ano ba ang magagawa natin upang hindi na ito maulit (Habang isinusulat ang lathalaing ito ay napakarami pang Pinoy ang nasa deathrow ng Tsina dahil sa droga). Ito ay maisasakatuparan kung magiging mas maingat ang mga kapwa nating Pinoy na pupunta sa ibang bansa. Hindi rin dapat sila  magpasilaw sap era kung ang kapalit nito ay ang kanilang buhay. Nararapat ding imbestigahan ng mabuti kung paano nakalusot ang kilo-kilong ipinagbabawal na gamot sa NAIA. Mas mainam din kung magiging mas maagap ang pamahalaan sa pagtulongh lalo na sa mga kababayan nating nasa ibang bansa.

Muli nakikiramay ang Mapanuring Pinoy sa mga pamilya nina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain. Umaasa na lang kami na ito ay hindi na madagdagagan pa ang mga Pinoy na mabibitay sa ibang bansa dahil sa droga.

            Ikaw, kapwa Mapanuring Pinoy, ano ang masasabi mo rito? Sino sa palagay mo ang nagpabaya? Ano-ano ang  dapat gawin upang hindi na ito maulit? Payag ka ba o tutol sa pag-gagawad ng parusang kamatayan? Halina at sumali na sa talakayan at ating botohan.

Saturday, January 15, 2011

PPP, Mapang-api?

Napanood ko kamakailan sa balita na sinopla raw ni P-Noy ang kondisyon ang kondisyon ng CPP-NPA-NDF (CNN). Natuwa ako noong napanood ko to. Buti naman kako at hindi na nagpapaloko si P-Noy sa CNN. Sa wakas ay nagpakita na siya ng political will. Isa kasi ako sa mga hindi naniniwala sa pinaglalaban at paraan ng CNN.

Habang pinapanood ko ang balita ay bigla akong nagdalawang isip. Ang kondisyon pala ng CNN na tinanggihan ni P-Noy ay ang paghihinay-hinay o tuluyang pagpapahinto sa mga PPP. Bagama't hindi ako naniniwala sa kanilang paraan, pati na sa kanilang pinaglalaban, at hindi rin naman ako sigurado kung totoo sila sa pagkontra sa PPP, nakikiisa ako sa CNN sa isyung ito.

Ang Public-Private Partnership ay ang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan upang maisakatuparan ang iba't ibang mga proyekto na makakatulong at makakaginhawa sa mga mamamayan.  Bilang kapalit, binibigyan ng karapatan ang mga namuhunan upang mabawi ang kanilang pera at tumubo pa ito. 

Kontra ako sa pagpasok ng pamahalaan sa PPP at may ilan akong dahilan.

Kung titingnan natin, ang PPP ay mapang-api. Oo maaaring mas mabilis nitong maibigay sa atin ang  mga proyekto at imprastraktura pero panilaw at panlinlang lamang ito. Hindi tulad sa isang ordinaryong negosyo, siguradong tutubo at walang tsansang malugi ang mga namuhunan sa PPP.

Kanino babawiin ng mga namuhunan ang kanilang pera? Kanino pa e di sa atin! Ito ang dahilan kung bakit sobrang taas ng singil sa SLEX at NLEX. Malamang ito rin ang dahilan kung bakit ang laki ng expenses ng LRT at MRT. Kasama kasi sa binabayaran natin pati na ng pamahalaan ang tubo ng mga namuhunan. Kung pamahalaan na lang sana ang nagpatayo nito, edi sana mas mababa ang kailangang bayaran natin at ng pamahalaan kasi wala nang isasamang tubo. Di ba? Publiko ang nalulugi rito.

Karamihan din sa mga PPP na aking nababalitaan ay pawang mga dayuhan. Katanggap-tanggap pa sana kung kapwa Pinoy ang mga investors. Matagal na nating pinapalamon ang mga dayuhan at dapat na itong matigil

Isa pa, hindi kaya nasasayang lang ang buwis natin kung papasok lang ang pamahalaan sa napakaraming PPP? Biruin ninyo, nagbabayad na tayo ng road user's tax, bakit pa natin kailangang magbayad ng toll para lang makadaan sa isang kalsadang kasingganda ng NLEX at SLEX?  

Nararapat lamang na maghinay-hinay na ang administrasyon ni P-Noy sa pagpasok sa PPP dahil bagama't mukhang kapaki-pakinabang, ito ay pangmatagalang pasakit.

Hindi ako isang ekonomista kaya maaaring maraming mali sa aking opinyon. Ikaw, mapanuring pinoy, ano ang iyong palagay?  Nararapat bang ipagpatuloy pa ng administrasyon ni P-Noy ang pagpasok sa mga PPP?

Friday, January 14, 2011

Poll Results: LRT Fare Hike

Lumalabas na sa 29 na lumahok sa poll, mas marami ang hindi payag sa pagtataas ng MRT at LRT (16) kaysa sa mga pumapayag dito (13). Nararapat lamang na mapag-isipan ng mabuti ng pamahalaan lalo na ng DOTC kung nararapat na ba talagang itaas ang pamasahe. Dapat ay matimbang at masuri nila ang magaganda at masasamang epekto nito.

Maraming salamat sa lahat ng mga mapanuring pinoy na nakilahok sa poll.

Friday, January 7, 2011

Mga Pulis, Nakakainis!!!

Napakahalaga ng tungkulin ng mga pulis sa ating bansa. Responsibilidad nila na tiyakin ang kaayusan at kapayapaan sa isang lugar. Sila ang naatasang magpatupad ng batas. Tungkulin din nila na hulihin ang mga taong nagkakasala at higit sa lahat, ang pagsilbihan ang sambayanan. Upang maisakatuparan ang kanilang tungkulin ay pinagkakalooban sila ng armas. Dahil sa napakahalagang trabaho sa ating bansa, ang mga pulis ay sinusunod, tinitingala at ginagalang.

Subalit sa kasamaang palad, mukhang kabaligtaran na ang mga nangyayari ngayon. Sa halip na tiyakin ang kaayusan at magpatupad ng batas, mukhang sila pa minsan ang numero-unong nangugulo sa kaayusan at lumalabag sa batas. Lumalabas din na imbes na pagsilbihan ang sambayanan, mukhang sila pa ang pinagsisilbihan ng sambayanan.

Napakarami nang kaso ng pang-aabuso ng pulis ang ating nabalitaan at ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ito.

Hindi natin makakalimutan ang Quirino Grandstand Hostage Drama kung saan nasaksihan ng mundo ang kahinaan ng ating SWAT (http://en.wikipedia.org/wiki/Manila_hostage_crisis). Noong ika-23 Agosto, 2010 ay pinasok ni Former Sr. Insp. Rolando Mendoza ang isang tourist bus na punong-puno ng mga turistang Hong Kong Nationals. Matapos ang ilang sandali ay dineklara niyang hostage na niya ang lahat ng nasa loob ng bus. Isa sa mga kundisyon niya sa  pagpapalaya sa mga hostage ay ang pagbabalik sa kanya sa serbisyo. Bago kasi naganap ang panghohostage ay iniutos ng Ombudsman ang pagsibak kay Medoza mula sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot niya sa hulidap (robbery extortion). Noong una ay mahinahon si Mendoza at pinalaya pa nga niya ang ilan sa mga hostage. Subalit pagsapit ng gabi, matapos makita ang kanyang kapatid na pinosasan ay biglang nagbago ang timpla ni Mendoza at bumagsak ang negosasyon. Ipinag-utos ang pagsugod ng MPD-SWAT sa bus subalit tila hindi pala sila handa para dito. Nasaksihan ng buong mundo ang kakulangan nila sa kagamitan at kakayahan. Sa pagtatapos ng hostage drama ay 8 turistang Hong Kong Nationals ang namatay at marami ang pumuna sa kapalpakan ng mga pulis.

Bago pa man maganap ang Quirino Grandstand Hostage Taking ay nasadlak na rin sa kahihiyan at pambabatikos ang PNP lalo na ang Manila Police District matapos kumalat ang isang torture video. (http://www.abs-cbnnews.com/nation/metro-manila/08/18/10/cop-allegedly-torture-video-was-violent-arrogant) Sa nasabing video ay kitang-kita ang ginawang pangtotorture ni Senior Inspector Joselito Binayug sa isang hinihinalang snatcher. Sa video ay makikita na hinihila ni Binayug ang ari ng hubo’t hubad na lalaki gamit ang isang tali.

Noong ika-25 ng Nobyembre, 2010 lumabas ang balita na isang buntis na babae ang di-umano tinangkang patayin ng tatlong pulis sa Cavinti Road, Brgy, Pagsanjan, Pagsanjan, Laguna. (http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=633666&publicationSubCategoryId=67) Tinangkang patayin ng tatlong pulis ang babae sapagkat ito ay saksi sa ginagawa nilang hulidap (robbery extortion). Sa kabutihang palad ay nagawa niyang makatakas at di-nagtagal ay may isang drayber ng jip ang nagmagandang loob na itakbo siya sa ospital. Nahuli at kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa tatlong pulis habang ang isa ay hindi pa rin nahuhuli

Napasailalim naman si Senior Inspector Oscar Magsibang sa preventive suspension matapos makuhanan siya ng video habang nakikipagtalo at tinututukan niya ng baril ang mga security guards sa Ortigas Center. Nag-umpisa ang kaguluhan matapos sitahin si Magsibang ng mga sikyo dahil sa isang parking violation. Matapos magtawag ng backup na SWAT ay naging mayabang at arogante di-umano si Magsibang. Dahil sa kaguluhan ay maraming mga sibilyan ang natakot.

Ilang pulis mula sa Quezon City Police Disctrict naman ang nagtangkang kidnapin ang 1 Indian National. Sa naganap na engkwentro ay namatay ang dalawang kasamahan ng Indian National na pawang Indian din. Sa kabutihang palad ay naroroon ang isang Pulis-Pasay na nakipagbarilan sa mga pulis na nagtangkang mangidnap at dahil dito ay nakaligtas ang Indian National

At nito nga lamang ika-4 na Enero, ilang araw matapos ang bagong taon ay napabalita na isang babae ang ginahasa at ninakawan ng isang pulis sa mismong opisina ng Manila Police District’s Integrity Task Force. Ang pulis na sangkot sa kasong ito ay si PO3 Antonio Bautista Jr. Ayon sa balita, hinuli raw ni Bautista ang isang babae at dinala ito sa MPD-ITF kung saan ito ginahasa at ninakawan pa ng 4000 piso.

Bukod pa sa mga kasong ito ay hindi rin mawawala ang mga “Kotong-Cops”. Hindi ko makakalimutan ang pagkakataon kung saan hinarang kami ng mga pulis sa Bonifacio Avenue kahit na wala naman kaming nilabag na batas. Bagama’t hindi nila sinasabi, halatang humihingi ng kotong ang mga pulis. Nakipagmatigasan kami at binantaan namin na marereklamo sila kaya naman pinaalis na rin kami.

Nariyan din ang di-mabilang na mga pulis na inirereklamo ng mga complainants kay Raffy Tulfo sa Wanted sa Radyo tuwing hapon sa DZXL. Karamihan sa mga complainant ay mahihirap at kayang apihin ng mga pulis.

Madalas tuloy ay naitatanong natin kung nagagawa pa ba ng mga pulis natin ang kanilang mga trabaho? Dati rati panatag ang loob natin kapag may pulis pero ngayon ay kabaligtaran na ang nangyayari. Tuwing may pulis na malapit ay madalas kinakabahan na tayo na baka tayo ay mapagtripan o kaya ay makotongan.

Nakakainis, ano na ba ang nangyari sa ating pulis? Bakit kaya sila numero-uno pang nangugulo sa kaayusan at lumalabag sa batas? Bakit na sa halip na tayo’y pagsilbihan, mukhang sila pa ang pinagsisilbihan at pinalalamon lalo na ng maliliit na tao?

Marahil isa sa mga dahilan ay mali ang takbo ng isip ng mga pulis. Kadalasan ang iniisip lang nila ay ang kanilang kapangyarihan. Nagpapakahirap sila maging pulis upang maging siga, magkaroon ng baril, magkaroon ng kapangyarihan at mag-hariharian. Nakalimutan na nila na higit sa kapangyarihan sa kanila’y ibinigay, mas dapat nilang pagtuunan ng pansin ang pagsisilbi sa sambayanan.

Lumalabas din na hindi sapat ang kakayahan at kaalaman ng mga pulis. Hindi sila dumaan sa matinding pagsasanay. Kitang-kita ito sa kanilang pag-uugali, sa paghawak nila ng mga kaguluhan at pati na rin sa kanilang pangangatawan. Paano masasabing dumaan sa matinding pagsasanay ang mga pulis kung mas malaki pa ang tiyan nila sa isang babaeng buntis?

Sa pagsasanay kasi ng mga pulis, dapat ay quality over quantity. Wala ring kwenta ang maraming pulis kung karamihan naman sa kanila ay bastos at kulang sa kaalaman. Mas mainam na magkaroon ng mga pulis na magagalang, maalam at may kakayahan Di kataka-taka na kadalasan ay nalalabag nila ang karapatang pantao ng mga tao lalo na ng kanilang mga hinuhuli


Hindi rin maikakaila na kulang ang suporta ng pamahalaan sa mga pulis. Napakababa kasi ng kanilang sweldo kung ikukumpara sa napakabigat nilang responsibilidad. Bukod sa mababang sweldo, kadalasan din ay may kakulangan sa mga armas kaya naman napipilitan ang ilang mga pulis, lalo na yung mga baguhan, na mangotong para magkaroon ng pambili ng baril. Bukod sa mga armas, may kakulangan din sa mga sasakyan kaya minsan ay sarili nilang motorsiklo ang ginagamit nila pag rumeresponde. Napakahirap din sa mga pulis, lalo na sa mga baguhan, ang magpakatino kung yung mismong mga pinuno mo ang gumagawa ng mga kalokohan.

Kung nais ng pamahalaan na tumino ang ating mga pulis ay dapat higpitan ang screening para sa mga nagbabalak na mag-pulis. Makakatulong kung hindi lamang ang mga baguhan ang dumadaan sa screening, dapat ay magkaroon ng regular na pagsiyasat sa mga pulis, mula sa kanilang pangangatawan, sa kanilang performance record at mga kasong kinakaharap pati na rin sa kakayahan nilang rumesponde sa iba’t ibang pangyayari.

Mas maganda rin kung bibigyan ng mas mataas na sahod ang mga pulis pati na rin ng magaan sa bulsang pabahay. Kailangan din na dagdagan ng pamahalaan ang ibinibigay nito sa mga pulis at siguraduhing nakakarating ito sa mga PO1 at hindi hanggang kay heneral lamang.

Hindi maikakaila na nakakainis ang nangyayari sa ating mga pulis. Napakarami na nilang kinasangkutan na krimen at ito’y nadaragdagan araw-araw. Dapat ay kumilos na ang pamahalaan upang ito ay masolusyunan.

Sunday, January 2, 2011

Poll Results: Disenyo ng Pera at Holiday Economics

Sa kabila ng balitang hindi na susundin ni P-Noy ang holiday economics, lumalabas na mas nakararami sa mga mapanuring pinoy ang nais na panatilihin ang holiday economics (9) kaysa sa hindi (3). Mas mainam siguro kung pananatilihin na lamang ang holiday economics dahil ito ay nakakatulong sa turismo at nakapgbibigay rin ng mas mahabang pahinga sa mga mangagawa.

Sa ibang balita, mas marami sa mga mapanuring Pinoy ang may ayaw sa bagong disenyo ng ating pera (12) kaysa sa mga may gusto rito (7). Ito marahil ay dahil sa iba't ibang kamalian na napuna sa bagong disenyo. Mas mainam siguro kung masosolusyunan at maisasaayos ito ng BSP dahil matagal din nating makikita ang mga bagong perang ipinakalat at ipapakalat ng BSP na may kamalian.

Maraming salamat sa pakikibahagi sa ating mga talakayan, mapanuring pinoy