Saturday, April 9, 2011

Survey Results: Ang Pagbitay sa 3 Pinoy at Parusang Bitay

            Sa pagsasara ng ating survey, lumalabas na maraming mapanuring pinoy (18) ang naniniwala na ang mismong 3 Pinoy rin na binitay sa Tsina ang may kasalanan sa kanilang kinahinatnan. Mayroon ding mga naniniwala (5) na ang mga immigration official na nagpalusot sa dalang droga ng mga  drug mule ang dapat sisihin. Nagkakaisa rin ang mga lumahok sa ating survey na hindi dapat sisihin ang pamahalaan ng Tsina o ang pamahalaang pambansa ng Pilipinas.

             Sa kabilang banda, lumalabas na mas maraming mapanuring pinoy ang pabor sa paggagawad ng bitay sa mga kriminal sa ating bansa (19) kompara sa mga kontra rito (4). Maraming salamat sa paglahok sa ating talakayan at sa ating survey.


Friday, April 8, 2011

Araw ng Kagitingan, Huwag Kalimutan

Mga pinapahirapang Pilipino

Ika-9 ng Abril 2011, maraming mag-aaral ang nagdodota, gumagala o kaya naman ay nagpapahinga dahil bakasyon na. Sa kabilang dako, ang mga nanay at tatay ay nasa tahanan sapagkat walang pasok habang ang iba naman ay sinamantala ang double pay ngayong araw. Ika-9 ng Abril 2011, isang ordinaryong mainit na sabado. 69 na taon ang nakararaan, ang araw na ito ay malayo sa ordinaryo.

History 101. Noong 1942, sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naharap ang mga sundalong Pinoy at Amerikano na bumubuo sa United States Army Forces in the Far East (USAFFE) sa matinding sagupaan laban sa mga Hapon. Di-hamak na mas makabago at mas marami ang armas ng mga Hapon kaysa sa USAFFE. Mas marami rin ang                                                                                                                             suplay ng pagkain at iba pang kagamitan ng mga Hapon.

Gen. Douglas McArthur
 Matapos ang maraming buwan ay unti-unting nauubos ang mga bala at suplay ng USAFFE. Hindi naman dumating ang inaasahan nilang tulong mula sa Estados Unidos sapagkat ipinatupad ng Estados Unidos ang Europe First Policy kung saan uunahin muna nila ang labanan sa Europa bago pagtuunan ng pansin ang labanan sa Pasipiko. Tanging ang pangako na lamang ni McArthur na “I shall return” ang pinanghahawakan ng mga sundalo. Sa ganitong kaayusan, bagama’t ginawa ang lahat, ay unti-unting natalo ang USAFFE sa mga Hapon.

 Noong ika-9 na Abril, 1942, matapos ang mahabang labanan ay isinuko ni Major General Edward King ang Bataan  sa kamay ng mga Hapon kahit na ito ay labag sa kagustuhan nina Gen. Douglas McArthur at ni Gen. Jonathan Wainwright. Ang pagsuko ni Edward King sa libo-libong sundalo ng USAFFE sa Bataan ang naghudyat ng pagbagsak ng Bataan. 27 araw matapos bumagsak ang Bataan ay bumagsak naman ang isla ng Corregidor. Matapos nito ay naganap ang malagim na Death March kung saan libo-libong sundalong USAFFE ang naglakad putungo sa kanilang kamatayan.

Ang Death March
Tinawag na Araw ng Kagitingan (Day of Valour) ang ika-9 ng Abril, 1942 sapagkat dito naganap ang huling organisadong paglaban ng mga sundalong USAFFE sa Bataan. Bagama’t napilitang sumuko sa mga Hapon ay di maikakailang naipamalas ng mga USAFFE ang kanilang kagitingan.  Bilang pag-alala sa kagitingan ng mga nakipaglaban sa mga Hapon ay itinayo ang Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat, Bataan.

Napakahalaga sa kasaysayan ang pagbagsak ng Bataan sapagkat dahil sa ginawang pakikipaglaban ng USAFFE ay naantala ang planong pananakop ng mga Hapon sa iba pang bansa sa Asya at Pasipiko. Kung bumagsak kaagad ang Bataan ay malamang na mas napabilis at mas napalawak ang pananakop ng mga Hapon. Nagbigay din ito ng sapat na panahon sa Allies para makapaghanda sa mga sumunod na labanan tulad ng  Battle of the Coral Sea and the Battle of Midway. Higit sa lahat, pinatunayan ng mga Pinoy na hindi sila basta-basta sumusuko sa kalaban. Hindi lingid sa ating kaalaman na ang Pilipinas ang kahuli-hulihang bansa sa ating rehiyon na sumuko sa bansang Hapon.

Dambana ng Kagitingan, Mt. Samat, Bataan
Ngayon ay alam na natin kung ano, para saan at gaano kahalaga ang Araw ng Kagitingan. Hindi lamang ito isang ordinaryong Sabado o holiday na walang pasok. Ito ay ang araw na ginugunita natin ang kagitingan ng ating mga kababayan na nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang Daigdig.

Hindi dapat nating hayaang makalimutan ang Araw ng Kagitingan. Kaya naman bukod sa pagpapaghinga o pamamasyal ngayong araw, dapat ay gamitin natin ang araw na ito upang sariwain at gunitain ang kagitingan ng mga kababayan natin. Isang paraan lamang ang pagbabasa ng lathalain na ito upang sariwain at gunitain ang naganap sa Bataan 69 na taon na ang nakararaan.

Tuesday, April 5, 2011

Uto-uto ba ang mga Pilipino?

           Lumabas sa pinakabagong pag-aaral na isinagawa ng Harvard na ang mga Pilipino ang pinakamadaling maloko at utuin na mga tao sa buong mundo (Mosquito Press, 2011 [http://mosquitopress.net/post/3854901510/harvard-study-finds-that-filipinos-are-the-worlds-most]).Ayon pa sa nasabing ulat, ang ilan sa patunay na ang mga Pinoy ang pinakamadaling maloko at mautong mga tao ay ang mga sumusunod.

  • Paniniwala na bahagi ng Kristiyanismo ang pagtutuli
  • Paniniwala na nagkaroon ng sabwatan sa Battle of Manila Bay
  • Paniniwala na si Agapito Flores ang nakaimbento ng flourescent lamp
  • Paniniwala na si Eduardo San Juan ang nakaimbento ng Moon Buggy
           Sinasabing madali raw lokohin ang mga Pinoy sapagkat kadalasan ay hindi na nila sinisiyasat kung saan nanggaling ang mga impormasyon. Mabilis din na naniniwala ang mga Pinoy sa sinasabi ng ibang tao, ng media at ng mga nakikita sa internet.

Si Dante Guevarra, ang PUP President
             Nakakalungkot ang ulat na ito. Sadya nga bang madaling lokohin ang mga Pilipino?

            Naalala ko tuloy yung kumalat na text tungkol sa radiation kamakailan lamang. Bagama't hindi kapani-paniwala ang text at paulit-ulit na itong pinasisinungalingan ng pamahalaan, marami pa rin ang naniwala rito. Marami ang nagpanic, bumili ng betadine at gumawa ng koneksiyon ng tsunami sa katapusan ng mundo. Nakakalungkot din na mismong sa akademya, na inaasahang mapanuri at makakapagdesisyon ng matalino, ay may mga naniwala sa  text tungkol sa radiaton. Sinuspende ng PUP sa bisa ng utos ng kanilang pangulo na si Dante Guevarra ang klase dahil sa takot sa radiation. Bukod dito ay mayroon ding mga elementary school na nagsuspinde ng klase.

          Maski ang mga domestic helper na Pinoy sa Hong Kong ay nagmadaling bumili ng iodized salt sa paniniwalang maganda itong panlaban sa radiation.

            Sa kabilang dako, tuloy naman ang mga klase sa iba't ibang paaralan sa Tokyo na di hamak na mas malapit sa Fukushima kaysa sa Manila.

           Bukod dito ay marami pang pagkakataon na masasabing madaling maloko ang mga Pinoy. Nariyan ang mga text scam, pyramiding scam at iba pa.

              Sa tingin ko, siguro nga ay madaling maloko ang mga Pinoy.Isang dahilan siguro kung bakit madaling maniwala ang mga Pinoy ay ang kakulangan sa edukasyon. Mas madali kasing maloko ang mga hindi nakapag-aral kaysa sa mga nakapag-aral. Nakatitiyak ako na mas maraming mga tambay kaysa sa mga nasa akademya ang naniwala tungkol sa text sa radiation. 

Ang kumalat na text tungkol sa radiation
         Pero hindi lang antas ng edukasyon ang dahilan kung bakit madaling maloko ang mga Pinoy. Sa katunayan, marami ding mga nakapagtapos ang madaling maloko. Likas kasi sa atin ang mabilis magtiwala. Kapag may sinabi ang kaibigan natin o kapamilya natin, kadalasan ay pinaniniwalaan na natin to dahil may tiwala tayo sa kanila. Bukod sa mga kaibigan at kapamilya, madali rin tayong masilaw sa salapi kaya di kataka-taka na marami ang naloloko pagdating sa pera.Likas din ata sa mga Pinoy ang pagkahilig sa tsismis, showbiz man o hindi. Tiyak na tuwing may makikita kang mga nagkwekwentuhan ay hindi mawawala ang mga tsismisan. 

             Ang media rin na kinabibilangan ng radyo, telebisyon at dyaryo ay may parte rin sa pagiging madaling maloko ng mga Pinoy. Natural kasi sa mga Pinoy na maniwala sa kanilang nababasa, napapanood at naririnig sa media dahil ang pagkakaaalam nila ay totoo lahat ng sinasabi nila.

        Maaaring madali nga tayong lokohin at utuin paminsan-minsan at napatunayan na ito ng maraming pagkakataon. Kung naniwala ka sa ulat ng mosquito press na aking isinaad ay isa uli itong patunay na madali ngang maloko at maniwala ang mga Pinoy. Huwag kang mag-alala. Mayroon ding kolumnista na nabiktima ng nasabing ulat.

           Mga kapwa Pinoy, huwag dapat tayo basta maniwala sa kung ano-ano. Dapat ay alamin muna natin kung saan nanggaling ang impormasyon at kung may kredebilidad ba ito. Dapat ang Pinoy , hindi nagpapaloko Dapat ang Pinoy, mapanuri.

          Ikaw, naniniwala ka ba na madaling lokohin at utuin ang mga Pinoy? Bakit? Sumali na sa talakayan mga kapwa Mapanuring Pinoy.

Friday, April 1, 2011

Pakikiramay ng Mapanuring Pinoy sa Tatlong Pinoy na Binitay sa Tsina

Ang Tatlong Pinoy na Binitay
Nakikiramay ang Mapanuring Pinoy sa mga pamilya nina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain. Sila ang tatlong Pinoy na binitay sa Tsina nitong nakaraang Miyerkules, Marso 30, 2011 sa salang drug trafficking matapos silang mahulihan ng kilo-kilonggamot. Sila ay binitay sa pamamagitan ng lethal injection. Kung matatandaan, unang itinakda na ika-22 ng Pebrero dapat ang petsa ng pagbitay sa tatlo subalit ipinagpaliban ito matapos tumungo si Vice Pres. Binay sa Tsina.

Matapos ang pagbitay sa tatlong Pinoy ay naging mainit ang diskusyon kung sino ba ang may kasalanan sa pagkakabitay ng tatlong Pinoy. May mga nagsasabing ang pamahalaan ang nagpabaya. May mga nagsasabi ang pamahalaan ng Tsina ang may kasalanan sapagkat dapat ay hindi nila itinuloy ang pagbitay. Sa kabilang banda ay may mga pumupuna ring ang mismong mga binitay ang may kasalanan. Sino nga ba ang may kasalanan at may kapabayaan na nagdulot ng pagkakabitay sa tatlong Pinoy?
 
Hindi natin maaaring ibunton lahat ng sisi sa pambansang pamahalaan. Ito ay dahil ginawa naman nila ang kanilang makakakaya para mapababa ang sentensiya, kundi man mapawalang—sala, ang tatlong Pinoy. Kabi-kabila ang komunikasyon ng MalacaƱang pati na ng ni Vice Pres. Binay sa pamahalaan ng Tsina. Nagbunga naman ito at naiusod nga ng higit sa isang buwan ang pagbitay sa tatlo, isang bagay na ngayon pa lang ginawa ng mataas na korte ng Tsina. Sinusuportahan din sila ng embahada bagama’t hindi maikakaila na medyo naging mabagal ang pagtugon ng pamahalaan.

            Hindi rin dapat tayo magalit sa Tsina sapagkat ipinapatupad lamang nila ang kanilang batas. Hindi kasi maikakaila na malaking salot talaga ang mga ipinagbabawal na gamot sa lipunan kaya di katakatakang napakahigpit ng pamahalaan ng Tsina rito. Malamang ay naninibago lang  tayo sa Tsina sapagkat doon ay talagang ipinapatupad ng mabilis ang batas. Ito ay taliwas sa kaso ng Pilipinas kung saan kadalasan ay mabagal ang hustisya at nababayaran ang mga tagapagpatupad ng batas. Kung tutuusin nga, dapat ay hangaan at gawin pa natin ang pamahalaan ng Tsina pagdating sa pagpapatupad ng batas. Dapat din nating igalang ang batas sa Tsina sa parehong paraan na dapat igalang ng mga dayuhan ang batas sa ating bansa.
Kung sasabihin naman nating bakit hindi bitayin ang mga drug lord na Tsino sa Pilipinas, hindi rin ito puwedeng mangyari. Wala naman kasing bitay sa ating bansa, di tulad sa Tsina, at siguro naman ay hindi na ito problema ng pamahalaan ng Tsina. Hindi na rin siguro problema ng pamahalaan ng Tsina kung hindi maipatupad ng wasto ang mga batas, kung nababayaran ang tagapagpatupad ng batas at kung mabagal makamit ang hustisya sa Pilipinas.

Kung mayroon mang dapat sisihin, marahil ito ay ang mga immigration officials sa NAIA na nagpalusot ng kilo-kilong ipinagbabawal na gamot sa paliparan. Hindi naman kasi makakarating sa Tsina ang tatlong Pinoy na ito kung sa paliparan pa lang sa Pilipinas ay hinarang na sila ng mga awtoridad. Kataka-takang nakalusot ang kilo-kilong ipinagbabawal na gamot na ito gayong mahigpit naman ang pagsisiyasat na ginagawa ng mga awtoridad. Kung dito pa lang sana ay nahuli na sila, edi sana ay buhay pa sila ngayon bagama’t malamang ay nasa likuran din sila ng rehas.

May kasalanan din ang tatlong Pinoy na nagdulot ng pagbitay sa kanila. Dapat kasi ay naging mas maingat sila pagdating sa mga bagahe nilang dinadala. Dapat ay tiniyak nila kung ano-ano ang kanilang mga dala at kung may mga ipinagbabawal ba sa mga ito. Hindi rin dapat sila basta-basta tumatanggap ng mga bagaheng ipinadala ng ibang tao nang hindi nila inaalam kung ano ang laman nito.

Mahirap ding isipin na sa dami (at sa bigat) ng kanilang dalang ipinagbabawal na gamot ay walang alam ang tatlong Pinoy dito. Maaari tuloy nating isipin na alam nilang dala nila ang mga pinagbabawal na gamot at ginawa nila ito kapalit ng malaking halaga galing sa sindikato ng droga. Magkagayunman, hindi pa rin dapat nagpasilaw sa pera ang tatlong Pinoy. Marami naman kasing maaaring mapagkakitaan ng salapi na hindi ilegal.

Kung sino man ang totoong may kasalanan, hindi na ito gaanong mahalaga. Nangyari na ang pagbitay at hindi na maibabalik ang buhay ng tatlong Pinoy kahit na magsisihan pa ang lahat. Dapat ay mas pagtuunan natin ng pansin kung ano-ano ba ang magagawa natin upang hindi na ito maulit (Habang isinusulat ang lathalaing ito ay napakarami pang Pinoy ang nasa deathrow ng Tsina dahil sa droga). Ito ay maisasakatuparan kung magiging mas maingat ang mga kapwa nating Pinoy na pupunta sa ibang bansa. Hindi rin dapat sila  magpasilaw sap era kung ang kapalit nito ay ang kanilang buhay. Nararapat ding imbestigahan ng mabuti kung paano nakalusot ang kilo-kilong ipinagbabawal na gamot sa NAIA. Mas mainam din kung magiging mas maagap ang pamahalaan sa pagtulongh lalo na sa mga kababayan nating nasa ibang bansa.

Muli nakikiramay ang Mapanuring Pinoy sa mga pamilya nina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain. Umaasa na lang kami na ito ay hindi na madagdagagan pa ang mga Pinoy na mabibitay sa ibang bansa dahil sa droga.

            Ikaw, kapwa Mapanuring Pinoy, ano ang masasabi mo rito? Sino sa palagay mo ang nagpabaya? Ano-ano ang  dapat gawin upang hindi na ito maulit? Payag ka ba o tutol sa pag-gagawad ng parusang kamatayan? Halina at sumali na sa talakayan at ating botohan.